at ito ay tungkol sa delicadeza;
Dahil ang eleks’yo’y malapit na pala
kaya uulitin ang nasabing tema!
Ang delicadeza’y magandang ugali
na sa bawa’t puso’y dapat na maghari;
Kung mayr’on ka nito’y magiging madali
na maunawaan ang tama at mali!
Dito sa ‘ting bansa’y nakapagtataka
lalo’t may eleks’yong lokal at pambansa;
Akalain mo bang taong masasama
kumakandidato sa posisyong nasa!
Ang hindi maganda sa sistemang ito
sinasamantala ng maraming tuso;
Kahi’t nakakulong matagal nang preso
kandidato pa rin sa nasang manloko!
Ang ganitong siste ay hindi maganda
pinamamarisan ng maraming iba;
Tingnan mo na lamang may nakakulong pa
kandidato pa rin pagka’t walanghiya!
Bakit kaya bakit itong ating batas
pinahihintulutan ang hindi marapat?
At ang mga taksil sa baya’y naghudas
kandidato pa rin sa pwestong mataas?
Kaya ang tanong ko sa baya’y ganito
ito bang Comelec ay kumporme rito?
Hindi ba ang dapat kapag kandidato
dapat ay malinis pangala’t prinsipyo?
Dekicadeza nga’y binabale-wala
ng maraming tao dito sa‘ting bansa;
Di tulad sa Japan kung magkabisala
nagpapakamatay dibdib -– hinihiwa!
Diyos ko po, Diyos ko huwag mong itulot –
sa Senate at Congress ay muling maluklok –
Mga taong linta, mga taong salot
na sa bansang ito’y masamang bangungot!