EDITORYAL — Naipasok ang baril at granada sa korte

MALUWAG ang seguridad sa maraming tanggapan sa bansa partikular na ang mga tanggapan ng gobyerno. Saka lamang maghihigpit kapag may nangyari nang kapalpakan. Katulad ng nangyaring hostage taking sa Taguig City court noong nakaraang Miyerkules kung saan napatay din ang hostage-taker na si Almario Villegas. Kaso sa nakasanglang lupa at bahay ng pinagsimulan ng gulo.

Ang labis na nakapagtataka ay kung paano na kalusot sa guwardiya ang mga ginamit na armas ni Villegas. Isang .22 kalibreng baril at granada ang naipuslit ni Villegas at doon na nagsimula ang 24 oras na hostage-drama. Pero hindi nanaig ang balak ni Villegas sapagkat nang makakita ng tiyempo ang SWAT team, nilusob nila ang hostage taker pero lumaban. Nagkaroon ng barilan hanggang sa mabitiwan ni Villegas ang granada at sumabog sa kanyang katawan.

At pagkakapuslit ng armas sa loob ng korte ang nagpasiklab sa galit ng Supreme Court justice at ipinag-utos na magkaroon ng imbestigasyon sa palpak na seguridad para imbestigahan ang kapalpakan ng seguridad. Hahalungkatin daw ang kontrata ng security agency at titingnan kung bakit nangyari ang palpak na seguridad. Inamin naman ng SC na may problema sa kakulangan ng mga security guards sa mga korte sa buong Pilipinas. Umano’y may problema rin sa pananalapi.

Maraming batikos ang inabot dahil sa palpak na seguridad. Sabi pa, hindi raw dapat nakalampas sa guard ang baril. Iisa lamang ang ibig sabihin walang marahil metal detector ang mga guwar- diya kaya nakalusot ang granada at baril. Hindi ba kinakapkapan ang mga pumapasok sa korte ang mga guwardiya. Hindi ba nila sinusuri ang mga gamit bago papasukin?

Karaniwan na lamang sa bansang ito na kung kailan may namatay saka lamang kikilos at maghihigpit. At masyadong delikado kung ang mga nangho-hostage ay may malalakas na armas kagaya ng granada at matataas na kalibre ng baril katulad ni Villegas. Paano kung ang mga makapagpasok ng baril ay handang pumatay at pagbabarilin ang mga hostages. Wala nang negosasyon.

Ang nangyaring kapalpakan ng security sa Taguig court ay hindi na dapat pang maulit. Isailalim ang mga namumuno sa mahusay na pagsasanay para mapanatili ang ligtas na seguridad. Kailangan ito lalo’t ang mga terorista ay aktibo na naman.

Show comments