Parang mahirap paniwalaan. Kasi kung totoo ang pangamba, ano ang ginagawa ni Senator Ralph Recto sa Team Unity? Sa pagka-alam ko, anti-chacha si Recto.
Ipinagmalaki pa kamakailan ni Recto na sa Lipa City na kanyang hometown, nabokya ang tinatawag na ‘‘people’s initiative’’ na isinulong ng administrasyon noon na ang layon ay amyendahan ang Konstitusyon.
Aniya, sa 117 lungsod, 1,400 munisipalidad at 77 lalawigan, tanging sa Lipa lang nagkaisa ang mga tao na tutulan ang pag-amyenda sa 1987 Constitution. Wala aniya ni isang lagda na pumabor sa PI.
‘‘Ngayon ko lang sinabi ito dahil hindi ko ugali ang magyabang’’ dagdag niya. Napilitan si Recto na sabihin ang totoo dahil nga sa espekulasyong ipinakakalat ng Genuine Opposition (GO).
Kahit sa San Juan o Makati na balwarte ng oposisyon ay hindi nabokya ang PI. At sino pa ang binigyang kredito ni Recto sa pagkakabokya ng Chacha sa Lipa kundi ang mga taumbayan ng Lipa at ang kanyang esposang si Mayor Vi?
Ipinagmalaki ni Recto na ang mga Batangueño ay hindi puwedeng paikutin dahil umiiral ang kanilang malayang kaisipan.
Ngunit sinabi ni Recto na wala siyang tutol sa pagbabago ng Konstitusyon kung ito’y totoong kagustuhan ng tao at ang mga pagbabago ay nakatuon sa amyenda sa mga economic provisions para makaakit ng mga mamumuhunan at lumikha ng empleyo para sa mga Pilipino.