Lingid sa kaalaman ng mga operatiba ng Quezon City Police District, merong on- going operation ang Police Anti Crime and Emergency Response o PACER, sa kasong Kidnap for Ransom o KFR sa mag-asawang Kim In Sook at Francis Herrero.
Nalagay sa alanganin ang PACER dahil sa pagkakaaresto ng isa sa mga miyembro ng PACER na si SPO2 Dominador Martinez Inaldo.
Dito, umalma ang PACER at si Teresita Ang See ng Movement for Restoration of Peace and Order o MRPO.
Lunes, Ika-5 ng Marso, nagtungo sa BITAG Headquarters si Teresita Ang See, founding Chairperson ng MRPO at nagpaliwanag kaya naman ipinakita sa kanya ng BITAG ang buong video footage.
Matapos mapanood ni Teresita Ang See ang buong video footage, ikinuwento niya ang buong pangyayari ng KFR sa mag-asawang Kim In Sook at Francis Herrero.
"From day 1 kasama talaga si Gino, yung anak ni Kim In Sook, yung Korean business woman at talagang ina-assist, nong humingi ng tulong na madagdagan yung ransom na ibibigay, ang nakalap niya that time is only above 198,000, humingi siya ng pandagdag para madagdagan yung i-offer nya don sa kidnapper, ibig nyang sabihin kahit magkano magdagdag naman itong Herrero family don sa ransom in fact kaya sya sinamahan nga nong pacer, kaya legitimate talaga yung operation is just to get money", ani pa ni Ang See.
Ayon pa kay Ang See, miscommunication lang ang nangyari dahil nong mga panahon na yun ay nasa kainitan pa ng kanilang pakikipagnegosasyon sa mga kidnappers.
Dito nakipag-ugnayan ang BITAG kay P/Chief Supt. Samuel Pagdilao, ang Spokesman ng Philippine National Police (PNP), sa Camp Crame.
Sa tanggapan ni PNP Spokesman P/Chief Supt. Pagdilao, nagpulong ang BITAG at PACER. Dito, muli naming ipinakita ang buong segment ng KFR (Korean National) kay P/Sr. Supt. Edgar Iglesia, ang Deputy Chief ng PACER at kasamahan nito.
Matapos mapanood ng Deputy Chief ng PACER na si P/Sr. Supt. Iglesia, ang buong segment, agad din itong nagbigay ng paliwanag.
"That time si SPO2 Inaldo during the abduction duty sya as duty driver ng Intelligence Research and Analysis Division ng PACER from 0800 15 Feb to 0800 16 Feb, siguro kamukha lang nya yung nakita ng witness, dahil you can not be in two places at the same time.", kwento pa ni P/Sr. Supt. Iglesia.
Dagdag pa ni Col Iglesia na si SPO2 Inaldo ang nakatalaga bilang close in security ni Gino. Subalit sa kabila nito, hiniling din ng BITAG sa mga opisyales ng PACER na iharap si Inaldo upang makunan ng pahayag.
Kaya kinabukasan, sa tanggapan mismo ng PACER, sa harap mismo ng camera, nagsalita na si SPO2 Inaldo. Nais niya umanong linisin ang kanyang pangalan. Ibinuhos din niya ang kanyang sama ng loob dahil sa nangyari at sa kahihiyang sinapit.
Panawagan pa ni SPO2 Inaldo na huwag siyang husgahan ng taong bayan dahil kabaliwan lamang umano ang sinasabi ng lumutang na witness.
Hamon pa ni SPO2 Inaldo sa witness, hindi sya takot na harapin ito dahil malinis naman umano ang kanyang konsensya.