Super Vi sa Batangas

ANG pulitika nga naman! Nung isang linggo, kumalat ang balita na hindi susuportahan ni Sen. Ralph Recto ang asawang si Lipa Mayor Vilma Santos sakaling magpasyang tumakbo sa pagka-gobernador ng Batangas. Kay reelectionist governor Armand Sanchez daw siya, anang tsismis. Pero agad pinabulaanan ito ni Recto sa isang TV interview. Aniya, susuportahan niya si Mayor Vi ano man ang maging desisyon sa naturang usapin.

And now… dyarran… nakatakda raw iproklama si Mayor Vi ngayong araw na ito bilang kandidato sa pagka-governor ng Batangas. Tatlo ang maglalaban-laban: Armand Sanchez, Ricky Rector at Mayor Vi.

Kung one on one ang pag-uusapan sa gubernatorial race sa Batangas, walang dudang milya-milyang ilalampaso ni Governor Armand Sanchez ang kanyang bise at kalabang si Ricky Recto. Pero nagbago ang scenario. Kasi bigla na namang sumulpot ang star for all season na si Mayor Vilma Santos na inudyukan ng mga political leaders na tumakbo sa pagka-gobernador at irekonsidera ang desisyong ipaubaya sa bayaw niyang si Ricky ang paglaban kay Sanchez.

Nasindak si Sanchez sa balitang ito.Nagbago ng partido at sumapi sa KAMPI. Nagbabakasakaling siya ang susuportahan ng administrasyon.

Ito namang si Ricky ay nagpupuyos sa galit: "Ala, walang Batangueño na umaatras sa laban," aniya. Matigas din ang ulo ni Ricky eh. Lahat ng survey ay nagpapakitang wala siyang kalaban-laban kay Sanchez. Pati tuloy si Bishop Ramon Arguel-les na dating sumusuporta sa kanya ay sumuporta na kay Ate Vi. Ang puntirya kasi’y alisin sa puwesto si Sanchez. Kaya naunang lumutang na si Ate Vi ang isasabak versus Sanchez. Pero bigla siyang atras para lamang maiwasan ang family feud ng mga Recto.

Pero since may advocacy ang marami na mawala si Sanchez sa poder, inuudyukan si Ate Vi na mag-reconsider.

Nasubukan kasi si Ate Vi. Ang merito niya ay hindi lamang base sa kanyang popularidad bilang artista kundi sa track record niya. Sa mga survey ay lagi siyang nangunguna.

Komplikado talaga kapag sumuong ang isang pamilya sa pulitika lalu pa’t magkaiba ng partido. Pero kung maganda ang layunin ni Ricky, isaisantabi na muna ang kaisipang pulitikal at magpaubaya dahil di maikakaila ang katotohanang si Ate Vi lang ang puwedeng magpataob kay Sanchez.

Show comments