Alam nating lahat na ang pulitika ay laging may kinalaman sa ating ekonomiya, kaya nakalulungkot isipin na dahil sa pangit na pulitika ay hindi nagiging maganda ang takbo ng ating ekonomiya. Ayon sa gobyerno, maayos naman daw ang ekonomiya, ngunit paano nila masasabi yan samantalang napakaraming tao ang walang trabaho at marami ang nagugutom?
Kung totoo man na maayos ang ekonomiya ayon sa gobyerno, hindi pa rin nila mapaliwanag kung bakit ang parang nakikinabang nito ay ang mga tao lamang sa itaas ng ating lipunan at hindi ang higit na nakararaming tao sa ibaba ng ating lipunan.
Hindi rin maikaila na sa pananaw ng maraming tao sa ating lipunan, ang sanhi ng pangit na pulitika sa ating bayan ngayon ay ang labanan ng mga sumusuporta kay Mrs. Gloria Macapagal Arroyo at ng mga kumakalaban sa kanya, dahil sa akusasyon na ninakaw niya ang puwesto ni Erap sa unang round, at sa akusasyon na ninakaw din niya ang pagkapanalo ni FPJ sa ikalawang round.
Sa madaling sabi, ang kaguluhan sa ating pulitika ngayon ay nagsimula lamang sa iisang tao, at mauuwi rin ito sa isang tao lamang, sa katauhan ni Mrs. Arroyo na tinatanaw nang maraming tao na fake na Pangulo. Tama ba ang sitwasyon na ito na parang ipinagpalit para sa kapakanan ng iisang tao lamang ang kapakanan ng 80 million Pilipinos?
Sa simpleng usapan, lumalabas na lugi talaga ang mga tao sa palitang ito, dahil sa tunay na demokrasya, ay dapat mangibabaw ang interest ng karamihan at hindi ang interest ng iisang tao lamang. In other words, is it worth it to sacrifice the interest of an entire nation for the interest of one woman? Ano ang inyong sagot?