Ayon pa sa mga balita, "tuturuan" pa umano ni Chavit kung paano gumawa ng "magandang" batas ang aking anak.
Bagaman hindi ko sakop ang kalooban ni Jinggoy, bilang kanyang ina na nakakita at dumanas ng matinding kalbaryo matapos na siya at ang aking asawang si President Erap ay makulong dahil sa mga nilubid na kasinungalingan ni Chavit, may karapa- tan marahil akong magbigay ng reaksyon sa mga sinasabi ngayon ng ambisyosong gobernador.
Una, paano kaya niya tuturuan, isang dating embalsamador, na gumawa ng batas ang aking anak na graduate ng economics sa University of the Philippines at undergraduate ng law sa Lyceum of the Philippines?
Ikalawa, napakalakas naman ng loob ni Chavit na mag-alok ng "reconciliation" sa isang taong nakulong at nagdusa dahil sa kanyang mga maling paratang. Tila ba para kay Chavit, balewala lang sa kanya na magpakulong ng isang nilalang at pagkatapos ay sabihing: "Pwede ba, magkaibigan na tayo?"
Hindi isang mabuting Kristiyano tulad ng imahe na gustong palabasin ni Chavit ngayon na siya ay isang kandidato ang ating nakikita. Sa halip ay isang taong likas na malupit, walang konsensiya at walang kahihiyan na handang gawin at sabihin ang lahat mapaganda lamang ang kanyang tsansa na manalo sa darating na halalan.
Mabait at mapagpatawad ang aming pamilya at ang mga bagay na ito ay alam ng lahat. Subalit, ang kapatawaran at reconciliation tulad ng gustong ilako ni Chavit ay kailangang may kasamang sinserong pagsisisi at pag-amin sa kanilang mga nagawang pagkakamali tulad ng ibang indibidwal na ngayon ay kabati na ulit ni President Erap at ng aming pamilya.
Kung hindi ito kayang gawin ni Chavit, malinaw na ang kanyang mga pahayag ay cheap political gimmick. Muli ay gusto lamang niyang gamitin ang pamilya Estrada upang isulong ang kanyang kandidatura.