Ang halaga ng rasyong tubig ay P95.11 per cubic meter, kumpara sa Maynilad Water na P17.53 lang, kaya may kaibhang P77.55. Daan-milyong piso sana ang matitipid ng mga taga-BF Homes, at malaki rin ang kikitain ng Maynilad Water, kung maserbisyuhan sila.
Suspetsa ng mga taga-BF Homes ay may sindikato sa rasyong tubig. Ang tawag nila sa water haulers ay "water sharks" dahil sa tindi ng presyo. Sinisingil ng mga opisyales ng BF Homes ang haulers ng P6,000 kada truck kada taon. Nakagawian na ang sistema. May presyong kartel na: P185-190 per 500-gallon drum, o 1.89 cubic meters sa Parañaque; P230 sa Las Piñas at Muntinlupa. Kung presyong Maynilad Water sana, P33 lang kada drum  at maiinom pa.
Umapela na noon pa ang mga residente sa water sharks na babaan sana ang presyo. Walang nangyari; malakas ang loob ng haulers dahil alam nilang aabutin pa ng tatlo hanggang limang taon bago ma-process ang tubig ng karatig na Laguna de Bay para inumin.
Kaya kay GMA na lumalapit ang mga taga-BF Homes. May sapat namang tubig para sa kanila, sineguro ng Maynilad Water. Miski dalawang oras lang kada araw, kuntento na sila, basta magkatubig lang sa gripo. Magpupuyat na sila sa pag-igib kung kailangan, matiyak lang na mas mura at malinis ang supply.
Ilang beses ko nang naisulat ang isyung ito. Natutuyuan na rin ako.