Kung minsa’y mabagal kung minsa’y mabilis;
Kapagka dinama sa tapat ng dibdib
Parang nagwawala kung nasa panganib!
Ang puso’y tahimik sa kanyang pagtibok
Kung kapayapaan ang nasa ng loob;
Subali’t kung ito ay saklot ng takot –
Ito’y madaramang malakas ang kabog!
At saka ang puso kapag nagmamahal
Nag-uutos ito na magpakabanal;
Bawa’t pintig nito’y iisa ang pakay –
Makamit ang puso ng diwatang hirang!
Kung ang pintig nito’y marubdob na nasa
Na ang ating bayan ay maging malaya
Ito’y parang bulkang sasabog na bigla’t
Kanyang kakalagin taling tanikala!
Kung biglang bumagal ang tibok ng puso
Ang ibig sabihi’y maysakt na ito;
Kailangan niya’y doktor na matino
At hindi quack doctor na pera ang gusto!
Ang pintig ng puso kung sobrang mabilis
K’werdas ng buhay mo’y baka mapapatid;
Kaya ang mabuti’y huwag kang mag-isip
Na ang iyong buhay ay baka umidlip!
Ang puso ng tao’y karugtong ng diwa
Kaya ang isipi’y positive na nasa;
Iyang kamataya’y darating na kusa
Kung ito ang siyang sa iyo’y tadhana!
Ako’y may kapatid lumaki ang puso
Halos buong dibdib ay sakop na nito
Ang sabi ng doktor ito’y delikado
Bilang na ang araw ni kuya sa mundo!
Ang kanyang pamilya at kaming relatives
Laging nagdarasal sa Poong Mabait –
Magaling na puso sa kanya’y ikatnig
Kaya hanggang ngayo’y buhay si kapatid!