Totoong hindi expert si Alston tungkol sa Pilipinas, ngunit expert naman talaga siya tungkol sa human rights abuses, at isa siyang kilalang abogado sa New York, kahit pa man isa siyang dayuhan doon, dahil ipinanganak siya sa Australia. Dagdag pa diyan, isa siyang professor sa kilalang law college roon, at respetado siya sa United Nations, kaya siya kinuhang reporter.
Bagamat malinaw na si Alston lamang ang pinatatamaan ni Gonzalez, hindi rin mapagkaila na sa kanyang sinabi, ang talagang nainsulto niya ay ang kabuuan ng United Nations na nagpadala kay Alston. Pormal ang report ni Alston, kaya dapat ay pormal din ang sagot ng gobyerno sa usapang ito.
Bilang isa sa mga founders ng UN, dapat ay maging responsible ang gobyerno sa kanilang pagkilos sa loob ng international body na ito. Kapansin pansin din na nilabag ng gobyerno ang protocol ng UN, nang biglang nadeklara na lamang na si Hilario Davide na ang ating permanent representative doon, kahit hindi pa siya na confirm sa Commission on Appointments.
Dahil sa pagbastos kay Alston at dahil sa paglabag sa UN protocol, parang lumalabas na magulong kausap ang Pilipinas sa larangan ng multilateral diplomacy. Para lang mapagtakpan ang katotohanan, at para lang mapagbigyan ang isang kakampi ng Palasyo, parang sinira na ng gobyerno ang magandang pangalan ng Pilipinas sa samahan ng UN.