Sabi ng barbero kong si Mang Gustin, "totoo ba iyan o gimmick para kaawaan sila ng taumbayan." Naniniwala akong totoo. Walang pera ang oposisyon.
Mga political analysts mismo ang nagsasabi na hirap ang pasok ng kontribusyon sa campaign coffer ng oposisyon. Usually, ang mga negosyante ay sumusugal sa lahat ng kandidato at partido. Kung sino man ang manalo, tiyak na may suporta sila sa gobyerno.
Pero sa kaso ng oposisyon, takot daw ang mga negosyante sa posibilidad na manalo ang oposisyon. Baka wala daw atupagin kundi ang miga nakapaparalisang hakbang para patalsikin si GMA. Naranasan natin iyan nitong nakaraang ilang taon. Naapektuhan ang ekonomiya.
Ito naman kasing GO, wala pa ring inihahayag na plataporma. Sabi nga ni Gustin, "puro porma walang plata."
Ano ang balak nila kapag naluklok at nadomina ang mga upuan sa Kongreso? Nangangamba ang mga negosyante na baka buhayin na naman ang isyu sa impeachment. Ang ikinatatakot ng mga negosyante at ng mamamayan ay baka maging maligalig muli ang takbo sa ating lipunan.
Babagsak ang stock market at hihina muli ang piso na medyo nakahulagpos na ngayon at patuloy pang lumalakas. Hihinto ang entrada ng foreign investments, tataas ang presyo ng petrolyo at mapipigil ang pagdami ng trabaho.
Balita ko pa, pati kaban-yaman ni dating Presidente Estrada ay tuyut na tuyot. Hindi rin daw nangyari ang malaking bonanza na inaasahan ng oposisyon mula sa bilyunaryong si Independent Senatorial bet Manny Villar.
Naaawa rin ako sa oposisyon. Pero kung nagdarahop ito, walang dapat sisihin kundi ang kanilang sarili.