Jueteng at illegal drugs lalo pang naging talamak!

Mahirap paniwalaan na hindi nakikinabang ang mga opisyal ng gobyerno sa jueteng at illegal drugs. Kasinungalingan ang sinasabi ng pulisya, military at iba pang mga matataas na opisyal ng pamahalaan na napahinto na nila ang jueteng at pagkalat ng ilegal na droga. Nakailan nang presidente ang Pilipinas ay ganito pa rin ang sinasabi nila.

Pangunahing balita kamakailan ang tungkol sa tatlong kongresista at isang mayor ang diumanong nakikinabang sa jueteng sa Albay. Binanggit sina Rep. Edcel Lagman, dating congressman at kasalukuyang Presidential chief of staff Joey Salceda at Rep. Carlos Imperial. Siyempre, itinanggi ng mga ito na walang katotohanan ang balita. Kung inyong natatandaan, may ganito ring paratang kina GMA at kanyang kaanak.

Maraming nakaaalam na laganap pa rin ang jueteng at pinagbabawal na droga dahil pinapayagang mamayagpag ang mga ito ng mga opisyal ng pamahalaan. Nakikinabang kasi sila rito. Hindi mapigil ng gobyerno ang mga ilegal na "bisyo" sapagkat ipinagmamalaki ng mga "lords" ang lakas nila sa mga nasa itaas.

Nagkakapera ang mga pulitiko at mga negosyante sa mga ilegal na "pangkabuhayan" sapagkat ito ang isang paraan kung paano sila makababawi sa kanilang mga ginastos sa eleksyon. Dito sa Pilipinas, hindi ka aasenso hindi ka gagamit ng lakas. "Its not what you know but whom you know", ‘yan ang kalakaran dito sa Pilipinas.

Kayong mga opisyal ng pamahalaan na nakikinabang sa mga ilegal, mabuti pang itigil n’yo na ang mga kawalanghiyaan bago kayo mabulgar. Kung babalewalain n’yo ang warning ko dahil makapal na ang mukha n’yo, bahala na kayo sa buhay n’yo.

Show comments