Panawagan sa Meralco

NOONG Linggo ng hapon ay bumisita ako sa Oroquieta St. malapit sa panulukan ng C. M. Recto. Dinalaw ko ang mga kababayan diyan at kinausap upang alamin ang kanilang suliranin gaya ng ginagawa ko sa ibang lugar sa ikatlong distrito ng Maynila kung saan ako naninirahan.

Parte ito ng ginagawa kong pag-iikot upang personal na makausap ang marami sa ating mga kababayan lalo na ‘yung mga kapitbahay na hirap sa buhay.

Sa lugar na ito ay kakaiba ang problema nila dahil maglilikom sila nang mahigit P200,000, isang napakalaking halaga, upang ideposito sa Meralco at nang mapakabitan sila ng kuryente pero hanggang sa araw na ito ay walang aksyon.

Dahil diyan ang ilang may kuryente ay nakakabit pa sa malayong lugar kung saan nakiki-share na lang sila ng metro pagdating ng bayaran. May iba naman na malamang ay ilegal na koneksyon. Itong mga ganoong tipo ng connection ang dahilan kung bakit makakakita tayo ng mga kawad na parang mga pansit na nagkakabuhol-buhol sa mga poste at iba pang mga masisikip na lugar.

Pero ang mga residente rito ay nais magbayad, nais nilang ayusin ang connection. Ayaw nila ng dagdag na suliraning bagamat hirap sila at naghihikahos ang buhay. Mas nais nilang ayusin ito kaya sila nagbigay ng deposito pero magtatatlong taon na sa Abril ng taong ito ay wala pa ring nangyayari sa pakiusap nila sa Meralco.

Kahapon, kahit na marami silang suliranin, ang pakiusap nila sa akin ay tulungan silang kulitin ang Meralco. Sa mga taga-Meralco, pakiusap lamang po, naninikluhod po kami, ayusin n’yo sana ang karaingan nila. Tulungan n’yo po sila.
* * *
Si Leah ho ay isang janitress na nakatira sa Oroquieta malapit sa kanto ng Recto. Gaya ng mga kababayang nakatira riyan, wala silang kuryente maliban sa isang gasera na nagbibigay ng konting ilaw.

Kilala ko ho siyang personal at alam kong ubod siya ng sipag at kahit ganoon pala kahirap ang kanyang buhay ay lagi siyang nakangiti sa ilang beses na pakikipag-usap ko sa kanya.

Sa edad na 18 ay napilitan siyang magtrabaho bilang contractual sa isang kompanya na nagbibigay ng mga janitors at janitress sa iba’t ibang opisina kasama na ang ilang opisina ng gobyerno.

Komo walang tinapos, nanatili siyang isang janitress hanggang sa makilala niya ang isang kasamahan na kanyang napangasawa. Nagkaroon sila ng isang anak na pangarap nilang mabigyan ng mas magandang kinabukasan.

Janitress sa umaga, nagtitinda ng mais sa hapon at gabi samantalang si mister naman ay kayod sa umaga, overtime sa gabi at nagtitinda pa ng kahit anong puwedeng itinda sa gabi.

Ultimo Sabado at Linggo kayod ang mag-asawa, lahat ng sideline gagawin. Gaya ng marami sa ating mga kababayan na nakatira sa mga lugar na maihahalintulad ko sa Parola, Blumentritt, Tambunting, sa gilid ng city jail ng Manila, gilid ng Pasig river, tabi ng riles ng train, mga nasa may estero at iba pang mga tinatawag na squatter’s area.

Lahat mga masisikap, masisipag, matitiyaga, mararangal pero ikinalulungkot kong sabihin na walang oportunidad.

Kung 20% lang ng ninanakaw sa mga kontrata ng gobyerno gaya ng fertilizer scam, ng bridge to nowhere, Diosdado Macapagal Highway at iba pang anomalya ng Malacañang ay mapunta sa tama ay lalaki ang oportunidad nila at malaking porsyento nila ay maiaahon sa kahirapan.
* * *
Sa column ko po noong Sabado ay marami ang nakapuna na nawala ang pang-apat na kandidato ng Genuine Opposition (GO) na si Alan Peter Cayetano.

Paumanhin ho sa inyo at salamat sa mga nakapuna nito.

Anyway, si Alan Peter Cayetano ay isa sa mga nagbulgar ng bank account ni Jose Pidal sa Germany bagama’t natural lamang na sasabihin ng naturang banko na walang ganoong account.

Dahil sa ginagawa niyang iyan, galit na galit sa kanya ang administrasyon kung kaya may pinatakbo na isa pang Pepito Cayetano na pinulot sa Davao. Upang hindi maaksaya ang boto sa kanya ilagay na ho ang buong pangalang ALAN PETER CAYETANO.

Personal ko siyang kilala at isa sa masasabi kong magaling at karapat-dapat sa Senado. Matalino ho si Alan Peter at noon pa man ay hindi mapang-api bagama’t pinanganak sa mas nakaaangat na angkan. Bilang patunay hanggang sa araw na ito ay hindi niya nalilimutan ang mga kababata niyang kalaro sa Taguig na galing naman sa mas hirap na pamilya

At bilang credito naman sa pamilya niya ay never din silang pinagbawalan na makihalubilo sa mga mas hikahos. Kailangan natin ang mga future leaders na gaya ni Alan sa senado.
* * *
Para sa anumang reaksyon o kumento, e-mail sa nixonkua@yahoo.com o mag-text sa 09272654341.

Show comments