Alam nating lahat na ang karamihan ng mga tao ay masasabing maliliit lamang kaya wala silang yaman, walang connections at wala ring poder. Ito ang dahilan kung bakit dapat paglingkuran ng mga official ang mga tao, upang mapunuan ang kanilang mga kakulangan.
Sa isang totoong demokrasya, masasabi nating maaring makabawi ang mga tao sa mga official na hindi naglingkod sa kanila ng tapat, sa pamamagitan lamang ng hindi pagboto sa kanila sa pagdating ng election. Ito nga dapat ang mangyari, ngunit alam natin na hindi ito ang actual na nangyayari, dahil nagagamit ng maraming official ang pera ng gobyerno upang manalo sila sa election, kaya tuloy parang doble ang talo ng mga tao, dahil ang perang ginamit sa pag-kontra sa kanilang kagustuhan ay galing din sa kanila.
Maganda ang ginawa ng Simbahang Katoliko sa paglabas ng mga guidelines kung sino dapat ang iboto, ngunit sana ay dagdagan pa nila ang kanilang ginagawa upang maparating pa ang mga layuning ito sa higit pang maraming tao. Sa madaling sabi, education talaga ang kailangan ng mga tao at ito ang dapat bigyang pansin.
Sa isang totoong demokrasya, ang poder ng tao ang dapat mangibabaw at hindi ang pera pagdating ng election, ngunit kapansin-pansin ngayon na ang nananalo lamang sa election ay ang mga candidate na may pera. Darating pa kaya ang araw na kahit sino ay maaring tumakbo at manalo kahit wala silang pera?