Ang iba ho riyan ay mga pampagulo lamang o ’di kaya’y mga pinatakbo lamang ng mga kalaban ng mga malalakas na kandidato. Ni hindi ko ho babanggitin ang pangalan ng mga ito at aksaya lamang sila ng espasyo.
Unahin ko ang ticket ng administrasyon ni Madam Senyora Donya Gloria. Labindalawa sila na pinamumunuan ni Mike Defensor na dating Presidential Chief of Staff. Tagapagtanggol siya ni Madam Senyora Donya Gloria sa lahat ng isyu bagama’t tuwing may gulo o ngayong malapit na naman ang election ay magaganda na naman ang mga pananalita tungkol kay dating President Joseph "Erap" Estrada.
Pangalawa ay si Miguel Zubiri na taga-Mindanao at galing sa angkan ng mga pulitikong taga-Mindanao. Isa sa kakampi ni Madam Senyora Donya Gloria sa halos lahat ng isyu lalo na nung impeachment proceedings. Loyal na loyal siya sa Malacañang at napatunayan noong impeachment. Gaya ni Mike Defensor, sila ang tinatawag na Spice Boys sa Kongreso.
Pangatlo si Butch Pichay na gaya ni Zubiri ay taga-Mindanao at matapat na matapat na taga-sunod ng Malacañang. Bukod sa pagiging matapat, isa siya sa tinuturing na lider ng mga kongresistang kakampi ni Madam Senyora Donya Gloria at nangunguna sa pagtutol sa anumang hakbang na ungkatin ang mga isyu laban sa administrasyon lalo na kung tungkol sa Hello Garci at bank accounts ni Jose Pidal.
Pang-apat si dating Senador Vicente Tito Sotto na dating campaign manager pa ni yumaong Fernando Poe Jr. Mula oposisyon lumipat sa administrasyon. Ganoon kaya ang perfect na description ng balimbing.
Panglima si dating Senadora Tessie Aquino Oreta o TAO. Gaya ni Sotto, galing sa kampo ni FPJ pero sa hindi malamang dahilan ay kasama ngayon ang team unity ng Malacañang. Marami ang nagtataka sa paglipat nilang dalawa at kilala silang oposisyon.
Wala sanang katotohanan ang balitang may namagitang malaking halaga sa paglipat nila at niluto pa ang lahat ng ito ng isang kamag-anak ng mataas na opisyal na base na sa United States noon pang Disyembre at may Christmas bonus pa.
Pang-anim si Senador Edgardo Angara na hindi na ako nagtataka sa pagsama sa Malacañang. Mula pa noon, open secret na siya ang dahilan ng pananabotahe ng lahat ng usapan ni FPJ at Sen. Panfilo "Ping" Lacson na magkaisa noong 2004 election. Siya rin ang pinuno ng grupong ASO o Angara–Sotto-Oreta na sinasabi ni Rex Cortez na dahilan ng pagkamatay ng yumaong hari ng pelikulang pilipino.
Pangpito si Ilocos Sur Governor Chavit Singson na ayaw na ayaw daw sa jueteng pero laganap ang jueteng sa kanyang probinsiya. Lagi ring napapabalitang siya ang mastermind sa pagpapatay ng mga kalaban niya sa naturang probinsiya bagama’t walang makuhang ebidensiya pero ayon sa mga taga-roon sa kanila ay takot lamang silang lahat na lumantad dahil hawak nga lahat ni Manong Chavit.
Pangwalo naman si Senador Joker Arroyo na galit pa raw tungkol sa Hello Garci at iba pang mga anomalyang kinasasangkutan ng Malacañang pero panay ang harang sa imbestigasyon ng kaso ni Jose Pidal na binulgar ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson.
Pangsiyam si Sen. Ralph Recto na siyang pangunahing nag-akda ng Expanded Value Added Tax (E-VAT) na tanging nagawa ay pahirapan ang sambayanan bagama’t pinalaki ang pondo ng Malacañang. Dapat campaign slogan niya ay Mr. E-VAT at hindi Mr. Vilma Santos na maayos naman ang pagpapatakbo sa Lipa.
Pangsampu si Vic Magsaysay na tanging pagkakakilala ko ay kamag-anak ni dating President Ramon Magsaysay. Komo hindi na makatakbo si Jun Magsaysay dahil nakadalawang termino na ay pasok itong pinsan niya na kahit originality ay wala at gamit ding slogan ay Magsaysay is my Guy.
Panglabing isa si Carlos "Icot" Petilla na dating governor ng Leyte. Aaminin kong hindi pa siya kakilala bagama’t hilaw na hilaw pa pagdating sa pagkakakilala sa kanya sa buong bansa.
At huli itong si Sultan Jamalul Kiram na ngayon ko lang narinig. Mahirap hong husgahan ang hindi kilala pero malinaw na tauhan siya ng administrasyon at kabilang sa ticket ni Madam Senyora Donya Gloria.
Iyan ho ang 12 kandidato ng administrasyon. Sa column ko sa Sabado ay ang 12 kandidato naman sa pagkasenador ng oposisyon.
Muli, happy birthday at maging masaya at masagana sana ang buhay mo dahil sa mga kabutihang nagagawa mo para sa kapwa.