Nabalik sa kanya ang tseke at natuklasan niyang nawala ang apat na asterisks na inilagay niya bago ang halaga ng tseke. Bukod dito, ang naburang asterisks ay napalitan ng markang "ninety" at nadagdag sa salitang "one thousand pesos only" kaya ang tseke ay naging "ninety-one thousand pesos only". Ang naisingit na salitang "ninety" ay mas malaki sa sulat-kamay ni Carlos. Makikita ring nakamarka ang numero 9 sa halip na asterisks bago ang orihinal na halagang 1,000. Kaya, pinabayaran ni Carlos sa MBTC ang halagang P91,000 na nabawas sa kanyang checking account. Subalit itinanggi ng MBTC ang pananagutan nito kay Carlos kung saan sinabi ng cash custodian nito na napalitan at naisaayos ang balanse ng tseke ni Carlos dahil walang nakitang mali rito. At bilang bankong nagbabayad ng tseke, inaplay daw nito ang pinakamataas na antas ng pag-iingat ayon sa alituntunin ng mga banko. Ang mga nakasaad daw sa tseke ni Carlos ay regular at totoo at ang mga pagbabago rito ay hindi mahahalata kahit na sa malapitang pagsusuri. Samakatuwid ayon sa MBTC, ang ganap na pag-indorso ng WB sa kanila ay garantiya na ang tseke ni Carlos ay tunay, may bisa at may pondo. Tama ba ang MBTC?
MALI. Malinaw na nagkulang sa pag-iingat ang MBTC. Lumabag din ito sa kanyang tungkuling maging tumpak sa deposito ng kliyente nitong si Carlos. Sa katunayan, ang halagang binayaran nito sa WB ay taliwas sa nakasaad at naitakda ni Carlos. Ang mga materyal na pagbabago sa tseke ay mahahalata at makikita ng kahit ordinaryong tao. Bukod pa ang pagbibigay ng MBTC sa cash custodian na magsuri ng tsekeng inindorso dahil ito ay walang kaalaman at tungkuling magsuri. Ang mga ito ay patunay na nagpabaya ang MBTC sa mga tungkulin nito.
Ang MBTC ay hindi dapat umasa sa indorso ng WB. Ang pananagutan ng MBTC at ng WB ay hiwalay at magkaiba. May tungkulin ang MBTC na suriing mabuti ang tseke na may mga bura bago pa man nila ito bayaran. May malaking pananagutan sa publiko ang mga banko kung kaya’t mataas na pag-iingat at katapatan ang dapat na ipamalas nito (Metropolitan Bank and Trust Co. vs. Cabilzo, G.R. 15449, December 6, 2006).