Para sa unang kaso, Murder na inilapit sa amin ni Anna Parlan-Rebullida ng Mandaluyong City. Natagpuang duguan at wala ng buhay ang kapatid nitong si Winifredo Parlan noong ika-12 ng Mayo 2006 sa loob ng bahay nito sa Sto. Rosario, Mandaluyong City.
Dahil na rin sa pagpupursige ng ahente ng National Bureau of Investigation, si Armand Eleazar at sa kautusan na rin ni Secretary Gonzalez na huwag tigilan ang paghanap sa suspek na kinilalang si Nelson Cadiz.
Naisipang tawagan ng ahenteng ito ang pamilya ng biktima matapos mahuli ang suspek sa pagpaslang sa Executive Producer ng Pinoy Dream Academy ng ABS-CBN dahil sa parehong modus ng kaso. Positibo namang na-identify ni Anna na ang suspek na ‘yon ay siya ring suspek sa pagpaslang sa kanyang kapatid.
Sa pangalawang kaso naman ay Murder din na inilapit sa amin ni Remilyn Lumabao ng Nueva Ecija. Ika-3 ng Nobyembre 2005 nang pagbabarilin ang ama nitong si Renato Lumabao sa Muñoz, Nueva Ecija ng grupo nina Leo Labagnoy at Romulo Villanueva. Nagsimula ang kaguluhang ito dahil sa lupang sinasaka ng mga Lumabao. Sa loob ng mahabang taon ay sila na ang nagbabayad ng buwis na ito. Napunta sa kanila ang lupa na bagay na tinutulan ng mga suspeks. Nagkaroon ng usapin dito at nanalo ang mga Lumabao na hindi naman matanggap ng mga suspeks.
Matagal na nabinbin ang kasong ito sa tanggapan ni Prosecutor Dionisio Leda Jr. sa Cabanatuan Prosecutor’s Office kaya lumapit sa amin ang pamilya ng biktima. Subalit makalipas ang isang taon ay binitiwan na rin niya ito. Agad na inaksyunan ito ni Secretary Gonzalez. Ngayon ay resolution na lamang ang hinihintay at hindi magtatagal ay mareresolba na rin ang kasong ito. Kaya para sa pamilya Lumabao, ipagpatuloy ninyo ang pagdadasal na makamit ninyo ang hustisya. Managot ang dapat managot sa kasong ito.
Ang pangatlong kasong namang inilapit sa amin ni Jose Pattugalan ng Silang, Cavite ay ang Horus Recruitment Agency na nagpaalis sa kapatid nito si Joana Pattugalan na nagtatrabaho sa Hail, Riyadh, KSA.
Inirereklamo nito si Amy Pama na siyang naglakad ng papeles ng kapatid niya. Nakatanggap ang pamilya Pattugalan na minamaltrato ng amo nito si Joana. Agad silang nakipag-ugnayan sa nasabing agency subalit ayon sa kanila walang aksyong inilalaan ang mga ito upang makabalik ng bansa si Joana.
Nakipag-usap kami kay Amy Pama patungkol sa suliranin ng pamilya ni Joana nang mai-ere din namin ang kasong ito sa aming programa sa radyo. Sinabi naman niya na handa siyang tumulong sa pamilya upang maiuwi sa bansa si Joana. Nakatanggap kami ng tawag kay Amy at sinabi nitong nabilhan na ng ticket si Joana.
Inilapit sa amin ni Medardo Dalubatan ng Sun Valley, Parañaque ay ang nais niyang mai-withdarw ang mga papeles partikular na ang kanyang passport na nasa Yang Wha Recruitment Agency. Matagal-tagal na ring naghintay si Medardo na makaalis siya ng bansa at umaasang makakapagtrabaho siya sa ibang bansa.
Sa kagustuhang makapangibang-bansa, gumawa siya ng paraan na makumpleto ang mga dokumentong kinakailangan subalit bigo pa rin siyang makaalis ng bansa. Dahil sa nawalan na siya ng pag-asa kinausap niya ang mga tao sa Mobilization Division ng agency at sinabing babawiin na lamang niya ang kanyang mga papeles dahil nag-lapse na rin ang kanyang medical record. Nais na rin nitong mag-apply sa ibang agency.
Nag-file si Medardo ng withdrawal sa nasabing agency subalit hindi pa rin maibigay ang kanyang passport kaya sinubukan niyang humingi ng tulong sa aming tanggapan. Agad kaming nakipag-ugnayan sa Yang Wha Recruitment Agency sa pamumuno ni Ms. Mary Jane Santos ng Mobilization Division. Nangako naman siyang tutulungan nito si Medardo at aaksyunan ang problemang iyon nang mai-ere namin itong sa aming radio program ni Secretary Raul Gonzalez, ang "HUSTISYA PARA SA LAHAT".
Bumalik sa amin si Medardo makalipas ang isang linggo dahil nagpapasalamat ito na nakuha na nito ang kanyang passport at nangako rin ang agency na gagawin nila ang kanilang makakaya na mai-refund ang ginastos na pagpapa-medical nito.
Para sa mga tagasubaybay ng aking column at tagapakinig ng aming programa huwag kayong mag-atubiling lumapit sa aming tanggapan. Tutulong kami sa abot ng aming makakaya.
Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
E-mail address: tocal13@yahoo.com