EDITORYAL — Kuwidaw mga pulis na babadigard sa pulitiko

TO SERVE AND TO PROTECT. Iyan ang motto ng Philippine National Police. Pero hindi pulitiko ang kanilang pagsisilbihan at ipagsasanggalang kundi ang mamamayan. Harinawa nga.

Kapag sumasapit ang election sa Pilipinas, karaniwang sumusulpot ang problema sa mga pulis na ginagamit ng mga pulitiko para maging badigard. At dahil may mga pulis na "bugok" nagpapagamit naman sila sa mga pulitiko. At dahil dito, hindi na kataka-taka kung bakit nagiging madugo ang eleksiyon.

Kahit na ipagbawal at kung anu-anong batas ang ipalabas ng Commission on Elections, bale wala rin.

Ang ganitong gawain ng mga pulis sa buong bansa ang gusto nang maputol ni PNP chief Director Gen, Oscar Calderon. Matindi ang babala ni Calderon sa mga pulis, aarestuhin ang mga pulis na mapapatunayang nagbabadigard sa mga pulitiko at ikukulong. Sinabi ni Calderon na hindi mangi- ngimi ang pamunuan ng PNP na parusahan ang mga pulis na magbabadigard. Ayon kay Calderon, ang PNP ay isang propesyunal na organisasyon at hindi siya papayag na magamit ang mga pulis sa partisan politics.

Bago pa mag-martial law, ang mga pulis ay lantad na lantad nang ginagamit ng mga pulitiko para maging badigard nila. Maraming pulis noon ang nasa payroll ng gobernador, mayor, vice mayor at iba pang local officials. Mayroon ngang mga pulis noon na hindi na umaalis sa poder ng mayor at ang iba ay sa bahay na nito nakatira para bantayan ang pulitiko. At dahil nga ang mayor ang sinusunod sa isang bayan, kahit na gaano karaming pulis ay kaya niyang kupkupin para maging badigard.

Ang matindi ay ang pagsasagupa ng mga mag-kakalaban sa pulitika. Badigard ni mayor versus kalaban sa pulitika. Pawang mga pulis na ang naglalaban para ipagtanggol ang kanilang amo. Mas madu go ang nangyayari noong wala pang martial law.

Nang ideklara ang martial law ay nawala sa poder ng mayor ang mga pulis subalit may kontrol pa rin siya. Hindi rin naman lubusang naalis ang kapangyarihan. Hanggang ngayon, maaari pa ring makapili ang mayor kung sino ang ipupuwestong hepe ng police sa isang bayan o siyudad.

Umaasa kami na ang direktiba ni General Calderon sa kanyang nasasakupan ay hindi mababali. Susundin siya ng kanyang kapulisan.

Show comments