Abogado para sa OFWs

ANG lumang tugtugin daw ay laos na at wala na sa uso, ngunit kahit lumang tugtugin na ang sasabihin ko ngayon, natitiyak akong hindi ito nawawala sa uso. Matagal ko nang sinasabi na ang mga OFW ay ang mga bagong bayani ng bayan, ngunit alam ba natin talaga kung ano ang ibig sabihin nito?

Ang sabi ng Palasyo, gumanda raw ang ating ekonomiya, at ang pahiwatig pa nga ay gumanda ito dahil sa magandang takbo ng kalakalan dito sa loob ng ating bansa. Ito nga ba talaga ang totoong istorya? Hindi ba kayo nagtataka kung bakit parang hindi kinikilala ng gobyerno ang kahalagahan ng mga remittance ng mga OFW sa pagganda diumano ng ekonomiya?

Sa aking paningin, kahit gaano kalaki ang kinikita ng gobyerno sa buwis, laging kinakapos ito dahil sa malawakang graft and corruption. Hindi lamang corruption ang problema, dahil may dagdag pang problema na ang perang ninakaw ay inilalabas pa ng mga corrupt na tao sa ating bansa, kaya malaki ang epekto nito sa kalusugan ng ating ekonomiya.

Kung nawawala sa corruption ang perang kinita sa loob ng bansa at inilalabas pa ito, hindi ba malinaw na ang totoong dahilan sa pagganda diumano ng ating ekonomiya ay ang remittance ng mga OFW? Totoong lumang tugtugin ang aking sinasabi, ngunit ano naman ang bago sa serbisyo at tulong na ibinibigay ng gobyerno sa kanila bilang pasasalamat sa kanilang kabayanihan?

Hanggang sa ngayon, wala pa rin ni isang abogado ang gobyerno na binabayaran sa labas ng ating bansa upang magbigay ng full time na legal assistance sa mga OFW na may legal problem sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Lumang tugtugin na rin ang sasabihin ko, ngunit hindi ba dapat lang na kung may legal problem ay dapat lang na may mga abogado? At dahil sa tuluy-tuloy naman ang kaso, hindi ba dapat lamang na full time rin ang mga abogadong nagbibigay ng legal assistance? Kailan pa kaya mabibigyan ng pansin ito?
* * *
Makinig sa "USAPANG OFW" sa DZRH tuwing Linggo 10 to 11 a.m. Mag-e-mail sa royseneres@yahoo.com, text 09187903513, dumalaw sa www.royseneres.com, tumawag sa 5267522 at 5267515 at bumisita rin kayo sa Our Father’s Coffee.

Show comments