iniibig kita sintang paraluman;
Pag-ibig na ito’y walang katapusan
pagka’t tataglayin hanggang kamatayan!
Kung wala ang buwan at napakadilim
dala ko sa puso masidhing damdamin;
Kaya sa karimlang may lambong na itim
nasa aking diwa ang iyong luningning!
Madugo ang aking landas na tinahak
sapagka’t ang bayan ay mapapahamak;
Kaya sa labanang dugo’y dumadanak
ang iyong larawan ang bandilang hawak!
Ngayong payapa na’y nag-iba ang buhay
ngunit sa puso ko’y di ka nawawalay;
Pag-ibig sa iyo’y hindi nawawalay
laging inspirasyon saanman dumatal!
Sa malayong bayang kinaroroonan
taglay ko sa puso ang iyong kariktan;
Sa aking pagtulog sa aking higaan
nasa diwa ko rin ang ‘yong kagandahan!
Di ka nawawalay sa aking gunita
aliw ka ng puso -– tanglaw ka ng diwa
Sa pagtatrabaho’t sa lahat ng gawa
kasama rin kita magandang diwata!
At hindi miminsang ako’y napahamak
sapagka’t ang buhay may dusa at galak;
At ngayong sa dusa ako’y nakasadlak
pag-ibig sa iyo’y nagbibigay-lakas;
Mahal na mahal ka’t ang aking pag-ibig
Hindi nagbabago sa lahat ng saglit;
Kahi’t na magunaw ang buong daigdig
ang pagmamahal ko’y dala hanggang langit!
Buto at balat na ang aking katawan
pumipintig pa rin ang pusong luhaan;
At sa mundong ito bago mamaalam -–
ang huling habili’y -– mayakap ka lamang!