^

PSN Opinyon

Magnanakaw 2

PANAGINIP LANG - Nixon Kua -
KARUGTONG ho ito noong nakaraan kong column kung saan nilathala ko ang lutuang nangyari sa mga stocks ng Philippine Long Distance Telephone Co. (PLDT) na hawak ng administrasyon ni Madam Senyora Donya Gloria na binargain sale sa isang dayuhang kompanya.

Ang natipid ho ng naturang kompanya na nanalo ng bidding kuno ay umaabot sa bilyong piso na kasyang-kasya na sana sa pagbibigay ng ilang libong paaralan o tahanan sa mga hikahos nating mga kababayan.

Pero hindi ho diyan nagtatapos ang aking kuwento. Talagang ginigisa tayo sa sariling mantika nitong mga taong ito na buong akala kasi ay hindi natin naiintindihan ang mga pakulo nilang ito upang makalikom ng malaking pondo para sa nalalapit na halalan.

Bawa’t kandidato nga pala ng administrasyon sa pagka-senador ay pinangakuan ng hindi bababa sa P100 milyon campaign funds. Kayo na ho ang magkuwenta at puwera pa rito ang mga tatakbong kongresista. Importante kasi talaga ito sa Malacañang at nakaumang na naman sa kanila ang impeachment. Kung marami ang oposisyon sa Kongreso at Senado, tapos si Madam Senyora Donya Gloria at siyempre malungkot ang mga sipsip, linta, kabarkada, kapamilya, kapuso, kapartido, kasabwat nila.

Anyway, bago ako lumayo nang husto, bigyan ko kayo ng konting history. Noong 1999, sa pamamagitan ng First Pacific Co. na pag-aari ng Salim family ng Indonesia ay nakuha ang control ng PLDT.

Binayad ho nung panahon na iyon ay $875 million at kasama ho riyan ang 20% na premium o dagdag kung tawagin natin. Ibig sabihin ho niyan, kung ang halaga sa mercado ay P10, papatungan ito ng dalawang piso. Sa madaling salita tumaas ang presyo at kikita ang nagbenta.

Sa kasalukuyang transaksyon, inuulit ko, wala ho niyan at binenta pa ng mas mura kaya kesa kumita ang gobyerno ng ilang bilyon, nalugi pa. Bakit kaya? Ano kaya ang cashunduan?

Pero matindi niyan, lutuan nang husto ang nangyari dahil ang nanalong kompanya ng bidding kuno ay ang Parallax Venture Fund XXVII na huwag kayong magugulat, pag-aari rin ng kompanya ng pamilyang Salim.

Ang mabigat pa niyan, ang tinalong kompanya sa bidding kuno na pinayagan naman ng gobyernong lumaban ay… kapit kayo muna, kompanyang pag-aari rin ng mga Salim.

Hindi ba malinaw na lutong macau ‘yan. Sistema ho ito kung saan, kahit sino ang matalo, panalo pa rin dahil iisang grupo o kompanya ang nagbibidding. Lokohan talagang malaki ito at iisa ang dahilan ng lahat ng iyan, pondo para sa eleksyon.

Pag-aari ni JUAN DELA CRUZ ipagbibili sa murang presyo upang ipangtustos sa eleksyon tapos palalabasin pa na "mababait at makabayang" mga kandidato nila na galante sila at namimigay ng pera. Hindi naman pera niya ang pinamimigay nila kung hindi pera natin.

Sobra namang panloloko iyan at sana ngayon hindi na natin payagan at gumanti tayo sa pamamagitan ng pagkuha natin ng pera nila pero iboto natin ang karapat-dapat. Tutal, ang perang pinamimigay nila ay sa atin din.
* * *
Sabi po ni Rex Cortez kahapon sa telebisyon na ang pumatay sa ama ni Fernando Poe Jr. ay aso at dugtong niya na si FPJ ay pinatay din ng ASO, pero sa pagkakataong ito mga nagsasalitang ASO. Tinukoy niya rito si Angara, Sotto at Oreta na panahon pa lamang ng kampanya sa pagka-pangulo noong 2004 ay balita nang nakikipagsabwatan sa Malacañang.

Bakit kaya hindi ako nagulat sa pronouncement na ito ni Cortez. Siguro dahil hanggang ngayon ay malaking katanungan sa atin ang mga ari-arian na pinamili ng ASO sa iba’t ibang panig ng mundo at mga kilos nila na mas pabor pa kay Madam Senyora Donya Gloria kesa sa masang Pilipino na dapat nilang pinaglalaban at pinagtatanggol.

Basta tandaan na lang natin ang mga balimbing sa darating na eleksyon.
* * *
Papalapit na naman ang panahon ng bakasyon at tama ang ginagawa ng mga barangay officials at mga responsableng lider na magpa-liga upang mailayo ang ating mga kabataan sa ilegal na droga.

Sa ikatlong distrito ng Maynila na nakakasakop sa Parola, Binondo, San Nicolas, Sta. Cruz, Quiapo, Blumentritt at Tambunting ay uso ito at talaga namang inaabangan ng mga kabataan.

Sana patuloy na suportahan ito hindi lamang ng mga pulitiko pag malapit na ang eleksyon kung hindi mga negosyante natin at mga mas nakakaangat na kababayan.

Ever gracious Naida Angping at former Congressman Harry Angping ang pinakamalaking supporter ng mga paligang ito. Mabuhay po kayo. Kudos din kay Lehan Ruz sa Quiapo na siyang pasimuno ng isa sa magandang project na ito. Ganundin sa lahat ng iba pang tunay na magagaling na barangay leaders sa ikatlong distrito ng Maynila. Ako naman po, sa aking maliit na paraan ay sisikaping makatulong.

Tandaan n’yo, kailangan talaga nating hanapan ng pagkakalibangan ang ating mga kabataan lalo na at ilegal na droga ang isa sa pinakamalaking problema ng Maynila at buong bayan.
* * *
Pasasalamat pala kay Bgy. Ex-O Valentin Ramirez, Boy Buelo Jr. at Linda Antonio ng barangay 387, zone 39 sa Quiapo. Sa lahat ho sa inyo riyan, maraming salamat ho sa mainit n’yong pagtanggap sa akin.
* * *
Para sa anumang reaksyon o kumento, e-mail sa [email protected] o magtext sa 09272654341.

CENTER

MADAM SENYORA DONYA GLORIA

MAYNILA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with