Habang nakatutok tayong lahat sa darating na eleksyon at iba pang bagay na may kinalaman sa suliranin ng bansa at paghahanap ng mas malaking kita upang ibigay sa ating pamilya ay nagkaroon ng desisyon na ibenta ang isang malaking bloke ng pag-aari ng gobyerno na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso.
Pag sinabi nating pag-aari ng gobyerno ibig sabihin nito ay pag-aari ng sambayanan at kasama sa kaban ng bayan.
Anyway, ang mga shares na ito ay Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) stocks na hawak ng Philippine Telecommunication Investment Corporation (PTIC).
Sequestered company ho itong PTIC na ayon naman sa Presidential Commission on Good Government (PCGG) ay tunay na pag-aari raw ng pamilya at mga tauhan ng yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos. Sa madaling salita, ginamit daw sa pagtatago ng nakaw na yaman ng mga Marcoses ang naturang kompanya.
Kung totoo ito o hindi mahirap akong maghusga dahil hindi ko alam ang tunay na istorya, maliban sa PTIC na nagmamay-ari ng malaking porsyento ng mga shares ng PLDT.
Ang hawak na shares ng PTIC o ng gobyerno ng Republika ng Pilipinas ay umaabot sa 12 milyon at kung ipagbibili sa kasalukuyang presyo ng stock market na P2,600 kada share ay aabot sa mahigit P2 billion. Inuulit ko, mahigit P2,000,000,000,000. Dami hong zero ano, hirap bilangin. Mukhang mali pa nga ako at maliit ito pero okay na dahil mahina naman ako sa Mathematics and Arithmetic hindi kagaya ng mga financial wizards ni Madam Senyora Donya Gloria na isa rin nga palang ekonomista na aral pa sa ibang bansa.
Wala sanang masama kung nais ipagbili ang mga shares na ito at may paglalagyang magandang bagay pero bakit mukhang ginawang bargain ang tinatawag nating blue chip stocks na ito. Isa ho sa laging pinag-aagawang stocks ay ang PLDT stocks dahil sa loob lamang ng ilang taon ay tumaas ito ng ilang daang porsyento.
Kesa kasi ipagbili ito sa market price man lamang na P2,600 kada share ay binenta po ito ng mga magagaling na tauhan ni Madam Senyora Donya Gloria sa discounted rate na P2,100 kada share. Sa madaling salita, ang nakabili nito na mga dayuhang kompanya pa rin pero kilalang mga front ng Salim group ng Indonesia ay nakatipid ng P500 kada share.
Hindi ko na ho kukuwentahin ang halaga ng P500 multiplied by 12 million shares. Kayo na po ang gumawa niyan. Napakalaking discount iyan at tunay na nakapagtataka bakit nila ginawa ang ganuon samantalang malinaw naman na pag-aari ng sambayanan ang kanilang pinaglalaruan.
Matindi pa nito, isinagawa nila ang kanilang plano habang karamihan ay hindi napupuna o hindi naiintindihan. Malinaw na pagnanakaw ito dahil hindi naman pera ito nila Madam Senyora Donya Gloria bagkus pera ito ng bayan.
Swak na swak sa definition ng magnanakaw, gamit na hindi kanila pinagbili at patago pang ginawa o fast break para walang mahalata.
Malinaw na rin ho na ultimo bidding na ginawa nila rito ay lutong Macau dahil mga front organization ng isang Indonesian firm ang naglaban laban dito. Abangan nyo ho ang kasunod kong mga column tungkol dito at isisiwalat kong lahat.
Buong akala kasi nila, komo malalim na transaction ito ay hindi kayang ipaliwanag at ipaalam sa masa. Puwes, mali kayo, kaya kong gawin iyan at part one pa lang ito.
Sa ngayon, malinaw na fund raising ang ginagawa muli ng Malacañang sa pagbebenta ng mga ari-arian ng sambayanan sa presyong mas mababa.
Kailangan nga naman nila ng pondo para sa kampanya lalo na at bawat isang senatorial candidate ng Malacañang, lalo na ng ilang biglang sumama sa kanila ay pinangakuan nila ng P100 million puwera pa libreng gamit sa mga facilidad ng gobyerno at mga television and radio spots.
Hindi tuloy ako nagtaka bakit merong mga balimbing muli at lipatan naman pabalik sa kampo ni Madam Senyora Donya Gloria.
Problema lamang ninyo, ayaw ng sambayanan ng balimbing pero kung ayaw nyong maniwala, gayahin nyo si Sec. Mike Defensor at Congressman Miguel Zubiri na inendorso pa nina Madam Senyora Donya Gloria. Tingnan natin saan sila pupulutin. Hindi naniniwala ang dalawa sa kiss of death.