Si Lolo at Lola

Ngayon ay Pebrero at Bagong Taon na
Sa aming tahanan ay laging masaya;
Di kami mayaman at hindi rin dukha
Pero ang maganda kami’y sama-sama!

Tatlo ang pamilya sa iisang bahay
Pagka’t bahay namin ay itaas at down;
Dalwa’y sa ‘taas isa’y sa ‘baba naman
Kaya sa problema ay nagtutulungan!

Munting bahay namin ay dalwang palapag
Si Lolo at Lola’y bumaba’t umakyat;
Kaya sariwa pa ang buto at balat
Mga tuhod namin ay wala ring lamat!

Si Lolo at Lola ay wala ring sakit
Pagka’t mga anak ay magkakapanig;
At ang mga apo ay laging kalapit
Kung naglalaro na’y sayang walang patid!

Kaya di totoong hindi magkasundo
Ang magkakapatid na magkakasuno;
Kung nagkakasakit ang sino mang apo
Ang ama at ina’y may ate at sangko!

Kung pinuproblema’y pera at pagkain
Sa Poong Lumikha’y laging manalangin;
Ang tulong ng anak tiyak na darating
Pagka’t nasa abroad ang kanyang gawain!

Masaya ang buhay ng buong mag-anak
Kung magkakasama apo’t mga anak;
Si Lolo’t si Lola’y parang nasa ulap
Sa ulan at bagyo’y buo ang pangarap!

Sa mga pamilyang may lola at lolo
Narito ang payo ng pitak na ito:
Kung gustong humaba mga buhay ninyo
Huwag n’yong ilayo ang anak at apo!

Ang apo ng tao ay anak nang anak
Dapat alagaang mabuti’t matapat;
Kung ito’y lumaking sa aral ay sapat
Ang lolo at lola’y maligayang ganap!

Show comments