Fund raising na naman pang election!

BAGAMA’T kakaiba pa rin ang lamig ng hangin nitong nakaraang araw ay asahan nating titindi pa ang pangingilabot na aabutin ng sambayanan sa mga susunod na araw lalo na at nalalapit ang election.

Isa sa unang sector ng ating lipunan ay ang mga kapatid nating tinagurian pang mga bagong Bayani, ang mga overseas Filipino workers na namamasukan bilang mga domestic helpers sa iba’t ibang bansa.

Ilang linggo na ang nakararaan ay biglang hinirit ang assessment test sa lahat ng mga domestic helpers na namamasukan sa ibang bansa, ultimo mga datihan na kagaya ng mga nasa Hong Kong. Katunayan, karamihan sa kanila ay takot umuwi upang magbakasyon dahil kailangan nilang magbayad ng P1,200 upang kunin ang exams na ito na pinatutupad ng TESDA na isang opisina ng gobyerno.

Ang kautusang ito ay ginawa lamang kamakailan dahil sa programang Supermaids ni Madam Senyora Donya Gloria. Lahat ng mga DH, ultimo mga pabalik-balik na sa abroad at pare pareho ang amo ay obligadong kunin ito.

Ang bumagsak naman sa exams nito ay maaaring umulit nang tatlong beses basta makababayad ng additional na P300 kada kuha. Ito ho iyong legal na bayad na may resibo.

Ngayon kung hindi ka naman talaga papasa dahil paano mo nga naman matututunan ang lengguwahe ng isang bansa sa loob lamang ng ilang araw na bakasyon mo sa atin ay as usual may pampadulas hindi lamang sa exams area kung hindi sa airport pero siyempre walang resibo ito at malaki ang diperensiya nito sa actual fees.

Matindi nito, ultimo bakasyon ng mga DH na tumatagal lamang ng mga dalawang linggo upang makasama ang kanilang pamilya ay mababawasan pa dahil sa assessment na ito.

Parang mga basang sisiw ang mga kababayan nating ito pero ano ang ating magagawa, kailangan ng additional na pondo para sa election.

Sumunod nito ay lahat ng bumibiyahe palabas ng bansa, ultimo mga dayuhan na pilit nating inaanyayahan bumisita sa atin at gumastos ng dolyares at iba pang mga foreign currencies.

Sa dahilan daw ng "seguridad" ay biglang tinaasan ang airport fee ng P200. Dati-rati kasi ay P550 pero upang magkaroon daw ng better and more modern security ang mga pasaherong papaalis ng bansa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay ginawa ng P750.

Unang tanong ko diyan ay kaninong security? Sa kandidato ba ng administrasyon na kailangang tiyaking manalo lalo na sa Kongreso upang walang lumusot na impeachment o baka naman sa mga balimbing na senador na ngayon ay naglalantad na ng kulay dahil sa laki ng halagang dinown sa kanila? Tatanong lamang po.

Pangalawang tanong, tiyak ko na ang malaking bahagi ng terminal fee ay napupunta sa National Commission on Anti Hijacking and Terrorism o NACAHT na bahala sa pamimili ng mga modern x ray machines and other security equipment so hindi kaya "na cut" ang pondong ito na umaabot ng ilang daang milyon at pagka-cut ay tumutuloy sa bulsa ng ilang tao?

Huling katanungan, wala kayang nagsisinungaling sa NAIA nang sabihin nila na tumaas din ang mga terminal fee ng ibang mga airports sa buong mundo dahil sa security measures? Bakit hindi nila ilabas ang comparative data rito at nang mabuking sila na tayo ang isa sa pinakamataas hindi lamang sa Asia kung hindi sa Southeast Asia.

Giginawin na naman tiyak ang ilang mga tao sa tindi ng mga fully airconditioned nilang mga mansion at luxury cars na manggagaling sa panibagong pahirap na ito. Lalong titindi ang ginaw nito sa mga kandidatong balimbing, sipsip, higop, kapartido at kakutsaba. Tandaan lamang ho ninyo na papasmahin kayo kung mula sa init ng araw dahil sa "sipag" n’yong mangampanya ay papasok kayo sa malamig na lugar. Patuyo muna kayo ng pawis.

Kahapon ng umaga naman ay binulaga ako ng mga headlines na nagsasabing biglang sipag na naman ang Presidential Commission on Good Government o PACAGAGA na hinahabol ang ilang mga negosyante dahil daw sa ill-gotten wealth noon pang panahon ni yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Asahan n’yo na susunod dito ay BIR then Customs at iba pang ahensiya ng gobyerno. Iibahin ang style siyempre at wala na ang Jocjoc Bolante.

Tindi talaga ng timing nila at ilang buwan na lamang ay election na naman. Sabagay, warning ito sa lahat ng malalaking mga negosyante na hindi lang kayo dapat magbigay ng contributions sa administrasyon kung hindi dapat pa itong lakihan at huwag na huwag magbibigay sa mga oposisyon.

Tandaan niyong lahat, malinis at maayos na election ang nais ng Malacañang. TALAGA iyan at promise iyan ni Madam Senyora Donya Gloria.
* * *
Sa nga nakaraan kong column pinuna ko ang kakulangan ng tubig sa mga depressed areas ng ikatlong distrito ng Maynila. Lagi kong sinasabi na basic services ito na makaaapekto sa kalusugan at kalinisan.

Kulang pala tayo, matindi rito ay kung magkasunog at napatunayan iyan sa Bilibid Viejo, Quiapo nitong nakaraang linggo. Mahina ang pressure ng tubig ultimo sa mga fire hydrant na mukhang mas malakas pa raw ang ihi ng aso at siyempre hindi mo naman ubrang ikabit ang mga hose sa mga deep well.

Pasalamat nga lang ako na kahit paano ay hindi masyadong kumalat ang apoy dahil sa agap ng mga bombero kasama na ang mga volunteer fire brigade na gamit ay personal na gamit at buhay na nilalagay sa alanganin. Mabuhay ang lahat ng mga firefighters, government na mabababa ang suweldo and volunteers na tunay na mga bayani.
* * *
Belated Happy Birthday nga pala kay Chairman Luis "Edong" Yap ng brgy. 335, zone 33. Isa ako sa kasama niyang sinalubong ang birthday niya dahil galing kami sa isang affair before that. Sayang kasama ng grupong ito, puro down to earth.
* * *
Para sa anumang reaksyon o kumento, e-mail sa nixonkua@yahoo.com o mag-text sa 09272654341.

Show comments