Supermaids II

MARAMI ang nagbigay ng reaksyon sa nakaraan kong column kung saan nilathala ko ang liham ng domestic helper sa Hong Kong.

Masamang masama ang loob ni Butch Amoroso sa pinatupad na bagong policy ng Malacañang na inaatasan ang lahat ng magtatrabaho sa Hong Kong, bago o babalik, na magkaroon ng special training na gagawin ng TESDA at iba pang opisina na binigyang karapatan ni Madam Senyora Donya Gloria na mag-produce ng SUPERMAIDS.

Komo gagawin ng gobyerno ito at para ito sa kapakanan daw ng ating mga kababayan, siyempre may bayad ito. Ang mga nagmamadali namang bumalik dahil nabigyan lamang ng ilang araw na bakasyon ng kanilang mga employer ay natural mapipilitang magbayad sa mga magagaling at matatapat na tauhan ng gobyerno sa Ninoy Aquino International Airport.

Dahil rin sa bagong policy na ito ng Malacañang, nagrally ang mga DH sa Hong Kong noong Linggo at plano nilang ulitin ito ngayong darating na linggo. Marami rin ho ang nag-text sa akin at nag-e-mail na lubos ang galit sa bagong pakulong ito na obvious ay isang panibagong fund raising project na naman.

Sa mga taga Malacañang, nakikiusap ho ang mga kababayan nating ito na alisin ang bagong patakarang lalo na sa mga nakapagtrabaho na sa naturang siyudad dahil tiyak naman nila na may babalikan silang mga amo kung saan nakasama na nila ng ilang taon.

Buking na ho kayo sa money making venture na ito ng ilang mga tiwaling opisyal na sinasamantala ang pagkakataon kaya sana iatras n’yo na ito at maawa naman kayo sa mga kababayang nagdurusa na nga dahil nalalayo sa pamilya at nanakawan n’yo pa ng pagkaing isusubo na lang sa bibig ng kanilang mga anak, magulang o kapatid ay aagawin n’yo pa.

Sobra naman ang pagkawala n’yo ng konsensiya bagama’t panay ang drama ninyo na ang OFWs ang BAGONG BAYANI. Karma o gaba, alalahanin n’yo!!!
* * *
Patuloy ho ang pakikipag-usap ko sa mga taga ikatlong distrito ng Maynila kasama ni dating Kongresista Harry Angping at ang kanyang grasyosang maybahay at tunay na nanalong Kongresista Naida Angping.

Lubos na nakalulungkot na laganap talaga ang kahirapan at bunsod ito ng hindi lamang kakulangan sa trabaho kung hindi kapabayaan ng pamahalaan na maibigay ang basic na pangangailangan ng sambayanan.

Isa sa pangunahing pangangailangan na ito ang malinis na tubig sa anumang sulok sana ng Maynila pero sa mga lugar gaya ng Parola, Quiapo, Binondo, Blumentritt, Sta. Cruz at Tambunting ay absent pa ito.

Kinailangan pang magpalagay diyan ng deep well pumps sina former Congressman Angping bago nagkatubig ang ilang mga lugar na napuntahan ko. Bagama’t kulang din ay malaki ang pasasalamat ng mga kababayan natin sa proyektong ito ng Angpings.

Basic needs ito na makakatulong hindi lamang sa kalinisan ng ating kapaligiran kundi pati sa kalusugan ng ating mga kababayan.

Gaano karaming tubo at gripo ang mabibili sa perang pinambili ng mga fertilizers ni dating Agriculture Undersecretary Jocjoc Bolante? Kung pinambili na lang iyon at nakonekta sa malinis at malakas na tubig ay laking pasasalamat sana ng mga mamamayan kay Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo.

Kaso bakit nga naman ito gagawin? Madaling bilangin ang tubo at madaling makita ito kung sakaling hanapin, hindi ubra ang ghost deliveries at mahirap din ang nagmumultong proyekto.

Sa fertilizer nga naman, madaling sabihing naubos na at nagamit na pati sa mga sementadong kalye ng Metro Manila. Mukhang nalunok pa nga ni Bolante ang iba dahil napipi na siya at hindi makapagsalita kaya siya nakakulong sa United States.
* * *
Purihin ang miyembro ng marines na nakapaslang sa Abu Sayyaf leaders at galamay nito kamakailan.

Kahit na maliit ang suweldo, kulang sa gamit at support ay nagawa ng mga magigiting na sundalong ito na wakasan ang buhay ng mga walang kaluluwang bandido.

Buong bansa ay manghang-mangha sa gilas at tapang ng mga kawal natin pero sana hindi natin malimutan na ipilit na sila ang makinabang sa reward money na $5 million.

Kung merong may karapatan, ito ay ang mga magigiting at matatapang nating kawal na laging tinataya ang kanilang buhay at hindi kung sinong impormante na laging tinatago ang pangalan. Ilan ho sa kilala kong impormante ay itago na lang natin sa pangalang Sir o General.

Malaking kaginhawaan ang maibibigay nito sa ating mga kawal at payagan sana ng mga heneral na makarating sa pamilya ng mga sundalong ito ang halagang ito. Payagan naman sana ng Malacañang at mga heneral na makatikim ng kahinhawaan ang mga front liner at hindi sila na nagpapalaki lamang ng kanilang _____ sa mga golf courses at club houses.

For once, pagbigyan n’yo naman sila dahil bagama’t dapat ang promotions, awards at medalya ay hindi nakakain ito, napambibili ng damit at libro ng mga bata o di kaya’y pambayad sa matrikula at utang.
* * *
Para sa anumang reaksyon o kumento, e-mail sa nixonkua@yahoo.com o mag-text sa 09272654341.

Show comments