Ngayon ang mga kandidato ay pawang payaso at ang ilan ay nambubutas lamang ng silya sa senado. Walang inaatupag kundi mamulitika at magpalipat-lipat ng partido. Mayroong ang hilig ay magpatawag ng imbestigasyon ng kani-kanilang komite "in aid of legislation" kuno. Inuubos ang kanilang oras sa walang katorya-toryang "privilege speeches" na pawang paninira sa kanilang kalaban sa pulitika na wala namang basehan.
Tiyak na mga despalenghado na naman ang mga kakandidato sa mga local na posisyon at ganoon din sa pagka-senador. Nakalulungkot sapagkat walang ipinag-iba ang tipo ng mga tatakbo. Ngayon ay bastusan pa ang nangyayari. Sa Senado ay gusto na yatang punuin ng mga magkakamag-anak, mag-ina, magkapatid.
Sayang na naman ang pera ng taumbayan sa darating na eleksyon. Wala rin namang naitutulong na buti para gumanda ang takbo ng bansa dahil bulok ang mga kandidato. Ang natutuwa lamang sa pagkakaroon ng eleksiyon ay ang mga kandidato sapagkat kapag nanalo at makaupo ay makapangungurakot sila. Natutuwa rin ang iba dahil panibagong termino na naman ang hahawakan nila.