Ayon sa Ehem, iwasan ang paghingi ng pabor sa pulitiko, tulad daw ng: (1) paggawa ng bagong altar sa maralitang parokya, (2) pag-tustos ng uniform sa inter-barangay summer sports tournament, (3) pagbabakod sa lumang public school, o (4) pagsemento ng kalsada sa maralitang baryo.
Tama lang na hindi ihingi sa pulitiko ang pagpapagawa ng altar pero hindi sa rason na sinaad ng Ehem. Anila, kapag hiningan ng pabor, dudulog agad ang pulitiko, at magkakautang-na-loob ang botante sa halalan. Mali! Hindi dapat kikilan ang pulitiko sa gastusing-simbahan para, bilang lider, hindi siya pumanig sa ano mang relihiyon.
Mali ang Ehem sa tatlo pang ehemplong ibinigay. Hindi paghingi ng pabor ang pagtustos sa sport development, pagbakod sa school o paglatag ng kalsada. Kung tutuusin, tungkulin yon ng gobyerno at mga opisyales. Karapatan ng mamamayan na hingin ang basic services. Ang ituro dapat sa kanila ay huwag tanawing utang na loob ang pagserbisyo ng opisyales. Ang masama ay kung malihim o lantarang madumi ang source ng pera.
Halimbawa, ang pang-uniporme, pangbakod o pangsemento ba ay talagang nakalaang pondo sa budget ng munisipyo, lungsod at probinsiya, o galing sa unaudited pork barrel? Kasi kung sa huli, ibig sabihin pera din yon ng taumbayan pero pinalalabas ng pulitiko na kanya. At kung galing sa jueteng o droga ang pampamudmod ng pulitiko, lalong masama.
Uulitin ko ang panawagan sa mga samahang simbahan, lalo na sa Katolikong mayorya sa masang botante: Kung magtuturo kayo ng wastong pagboto, huwag nyo nang kutyain ang botante, dahil baka mali ang salita niyo, o kaya walang epekto miski mula 1987 nyo pa ito ginagawa. Mabuti pa, ang kutyain ninyo nang diretso ay ang mga kandidato. Bistuhin ninyo kung sino sa kanila ang nangangaliwa at nagnanakaw sa kaban ng bayan.