Barangay election

Salamat, salamat at tuloy din yata

ang mga eleks’yong pangarap ng madla;

Kung hindi matuloy maraming kawawa

na mga botanteng halalan ang nasa!

Senators, congressmen at mga alkalde

ang mga posisyon na mababakante;

Pero sa balita’y waring nahuhuli

barangay eleks’yong gusto nang marami!

Mga nakaupong chairman ng barangay

ayon sa marami’y dapat nang palitan;

Hindi naman lahat pero karamihan

walang ginagawa kundi magpayaman!

May mga barangay na ang mga lider

iniisip lamang ay s’weldo at per diem;

Hindi mo malaman kanilang assignment

At ang barangay hall ay laging madilim!

May mga barangay na napakarumi

ni walang janitor doong nakapirmi;

Ang mga kagawad ay wala parati

kapag may problema’y walang umasiste!

May barangay tanod —- isa o dalawa

pagsapit ng gabi ay nawawala pa;

Kapag may humanap -— nagrerekurida

pero ang totoo’y nasa inuman pala!

Sila kung tawagin ay "barangay tagay"

kaharap ay alak sa gabi at araw;

At kung may problema sa buong barangay

wala kang makita isa mang opisyal!

Kaya tiyak nating sa sitwasyong ito

barangay election ang hingi ng tao;

At kung hindi bulag ang nasa palasyo

halalang barangay tiyakin na ninyo!

Huwag ninyong pakinggan mga naghahangad

na palugitan pa masamang palakad;

Dahil sa kapitan na ang tiya’y bundat

tayo at ang bansa ay hindi uunlad!

Show comments