Ang pigsa ay skin infection sa hair follicle. Namamaga at may nana. Ang pigsa na malalim ang pagkakasibol sa balat ay tinatawag sa English na carbuncle. Sintomas ng pigsa ang namumula at masakit na bukol na bigla na lamang lumalabas. Medyo may kalakihan ang bukol.
Ang pigsa ay may tinatawag na "mata" at kusa namang pumuputok makaraan ang ilang araw. Ipina-payo ko na kapag nagkaroon ng pigsa, kumunsulta sa doktor bago pa man ito pumutok. Kailangang operahin ang pigsa para alisin ang nana. Nararapat na ang doktor na magsasagawa ng operasyon ay lubusang malinis ang paligid ng pigsa lalo pa sa sandaling maalis ang nana sapagkat maaaring may tumubo muling pigsa sa paligid ng inoperahan. Kapag isinailalim sa operasyon ang pigsa mas madali itong gumaling kaysa pabayaan na kusang gumaling. Reresetahan ng antibiotic ang may pigsa para malabanan ang infection at para na rin hindi magkaroon muli ng pigsa.
Ang tinatawag na staphylococcus aureus ang may kagagawan kung bakit nagkakaroon ng pigsa. Ang organismong ito ay papasok sa pinaka-puno ng balahibo at magkakaroon na ng infection. Maaari rin namang pu-masok ang organismo sa maliliit na sugat sa balat.
Kadalasang ang mga taong nagkakaroon ng pigsa ay ang mga tinatawag na may lowered immunity kung saan ay madali nang dapuan ng sakit. Ang mga taong diabetic ay dapat na ma-monitor kung mada-las silang magkaroon ng pigsa.
Ang aking paalala, huwag ipagwawalambahala kung kayo ay may pigsa. Ikonsulta agad ito.