EDITORYAL - Obserbahan na ngayon ang mga kakandidato

NGAYON pa lamang ay obserbahan nang mabuti ang mga kandidato para hindi magkamali. Ito ay isang maagang paalaala para hindi na maulit pa ang pagkakamali noong 2004 na ang nailuklok sa puwesto ay hindi naman pala karapat-dapat. May sapat na panahon pa para makilatis ang mga kandidato. Mahigit tatlong buwan pa bago ang elections at sa loob ng panahong ito, maaari pang tanungin nang maraming beses ang sarili kung ang napupusuang kandidato ay karapat-dapat sa puwesto o ito ay magiging pabigat lamang at wa-lang magagawa para sa bayan. Pansarili lamang ba ang aatupagin ng kandidatong ito at saka magpapayaman. Maraming dapat itanong ang botante sa kanyang sarili at nararapat na pag-isipang mabuti kung tama nga bang iboto ang kandidatong napupusuan.

Dapat maging matalino sa iuupo sa puwesto sapagkat walang ibang matatalo kapag nagkamali kundi ang botante mismo. Unang-una, dapat tiyakin kung mapagkakatiwalaan ang kandidato. Sa survey ng Asia Research Organization for Gallup International Association sinabi ng mga respondents na ang mga pulitiko sa kasalukuyan ay hindi mapagkakatiwalaan. Kalahati sa mga sinurvey ay may edad na 18. Bukod sa hindi mapagkakatiwalaan, sinabi rin ng mga respondents na masyadong balat sibuyas sa public opinion ang mga pulitiko at karamihan ay masama ang ugali. Ginawa ang survey noong Nobyembre.

Hindi masisisi ang mga respondents na ganito ang maging pananaw sa karamihang pulitiko. Totoo naman na marami sa kanila ang hindi mapagkakatiwalaan at hindi tumutupad sa pangako. Puro pangako sila habang nangangampanya at maamong tupa habang nagsasalita. Pero pagkatapos silang mailuklok sa puwesto ay kalilimutan na ang pangako sa taumbayan. Nagkaroon na ng amnesia at nagbalik sa dating kulay ang balat. Paano maibabalik ang tiwala ng publiko sa mga lingkod-bayan gayong sila mismo ang sumisira sa kanilang pagkatao. Hindi masisisi ang mga botante na sabihing hindi mapagkakatiwalaan ang mga pulitiko. Tama lamang ang kanilang sinasabi.

Mag-ingat din ang mga botante sa mga kandidatong ang hangad para makapuwesto ay para resbakan ang kanilang kaaway. Ganyan ang nakikita sa kasalukuyan, gagamitin ang posisyon para mabakbakan ang kalaban. Obserbahan sila ngayon pa lamang.

Show comments