Sinisisi ni Engr. Arthur Lacuesta, founder ng Philippine Paramedics & Technical School, ang batas. Kaa-amyenda pa lang ng Nursing Act, at nilimita nito ang nursing profession sa isang uri lang ng nurse: ang RN. Hindi tulad sa US, walang LPN sa Pilipinas. Naglipana ang mga nursing school, pero pang RN lang. Mahal ang tuition, pero mababa ang kalidad ng pagtuturo. Mahigit 80,000 nursing graduates ang kumukuha kada taon ng licensure exam ng Professional Regulatory Commission; wala pa sa kalahati, o 32,000 lang, ang pumapasa. Tapos walang trabaho sa Pilipinas.
Balita ni Dr. Leah Samaco-Paquiz, presidente ng Philippine Nurses Association, iniipit ng US Immigration ang hindi RN na pasado ng four-year college course na Bachelor of Science in Nursing. Kaya puro mga RN lang ang ipinapadala ng Pilipinas.
Nagulat si Gregory Howard sa umanoy pang-iipit ng US officials. Nag-chairman siya ng committee on LPN standards ng US-Commission on Graduates of Foreign Nursing Schools. Sila nga ang tumutulong mag-recruit ng LPN mula sa India at ibang bansa sa Asia, pero wala namang problema sa Immigration.
Maganda ang sahod ng foreign RNs sa mga ospital, doctors clinics at care homes sa US. Depende sa experience at shift, pumapalo sa $18-$22 per hour. Sa mga state na mas kulang sa nurse, tulad ng California, ang bagong graduate ay $27-$29 kada oras, at ang esperyensado ay $28-$32.
Kailangan din ng LPNs sa America na nakatapos ng 12-18 month course lang, Naglalaro sa $12-$18 per hour ang suweldo, pero yung mga may acute o convalescent patient ay $18-$22. Sa California, $17-$22.