Napakarami ng mga bagay ang nangyari simula noon subalit hanggang ngayon ay parang sariwa pa rin sa isipan ko at aking pamilya ang makasaysayang araw na iyon.
Sa totoo lang, kung sanay ipinagpilitan ni Erap ang kanyang mga karapatan at kapangyarihan bilang halal na presidente ng Pilipinas, marahil, nagbago ang takbo ng ating kasaysayan. Marahil pa rin, hindi siya nakakulong ngayon at nagdurusa sa mga kasong tinahi ng mga bintang at akusasyon na hanggang ngayon ay hindi naman mapatunayan.
Subalit, bagaman nga nahihirapan sa mga sumunod na itinakbo ng mga pangyayari, kailanman ay hindi ko pinagsisihan at ni Erap- ang kanyang ginawang hakbang.
Bilang lider na mas iniisip ang interes at kapakanan hindi lamang ng ating mga kababayan lalo pa ang kanyang Inang Bayan, mas pinili ni Erap na bumaba na lamang PANSAMANTALA sa kapangyarihan upang maiwasang lumawak pa ang gulo na magreresulta sa pagdanak ng dugo sa lansangan.
Noong Abril 2001, sapilitang kinuha si Erap sa aming tahanan sa San Juan at parang kriminal na binitbit nang mahigit 5,000 pulis upang imbestigahan. Alam ng lahat na ang ibinunga ng garapalang pambabastos sa kanyang pagkatao ay ang makasaysayang EDSA Tres na ang rurok ay noong Mayo 1, 2001.
Subalit, kaiba sa naging gabay ni Erap na iwasang dumanak ang dugo at magsakripisyo na lamang, hindi ito ang nasaksihan ng bayan. Dumanak ang dugo sa mga lansangan dahil nga ayaw isuko ng mga nang-agaw sa kanya ng kapangyarihan ang kanilang mga bagong posisyon sa pamahalaan.
Sa ganitong paghahambing, sino ang mas makatao at may malasakit sa bayan, si Erap ba o ang mga nang-agaw sa kanya ng kapangyarihan. Kayo na po, dear readers, ang humusga.