Lamat sa kasal

IKINASAL sina Pete at Lina noong December 30, 1947. Sila ay parehong Intsik. Nagkaroon sila ng pitong anak at si Gerry ang panganay. Noong 1961, nakabili ang mag-asawa ng 661 square meters na lote. Subalit dahil sila ay Intsik, nairehistro ang titulo ng lote sa pangalan ng kanilang tiyahin na si Alicia.

Hindi nagtagal, naghiwalay ang mag-asawa. Nakilala ni Pete si Espy at nagsama ang dalawa kahit nananatili pa ang kasal niya kay Lina.

Makalipas ang 32 taon, ipinagbili ni Alicia ang lote kay Pete. Lingid sa kaalaman ni Lina at ng pitong anak, nagsagawa si Pete ng deed of sale ng lote pabor sa kanyang kinakasama na si Espy. Kaya naparehistro ni Espy sa kanyang pangalan ang nasabing lote sa pamamagitan ng TCT. Nang mamatay si Pete makaraan ang tatlong taon, natuklasan nina Gerry at ng mga kapatid nito ang paglilipat ng lote sa pangalan ni Espy. Kaya, naghain sila ng reklamo upang bawiin ang lote at mapawalan ng bisa ang deed of sale at TCT na naisyu sa pangalan ni Espy. Bilang depensa, iginiit ni Espy na ang lote ay hindi conjugal na ari-arian nina Pete at Lina. Sa katunayan, ang lote raw ay orihinal na pag-aari ni Alicia kung saan ito ay ipinagbili kay Pete at sa huli ay sa kanya. Ayon pa kay Espy, kanya ang perang ginamit pambili ng lote. Tama ba si Espy?

MALI.
Kahit maraming taon na ang paghihiwalay nina Pete at Lina at matagal na rin ang pagsasama nina Pete at Espy, wala namang naging kautusan ang hukuman ng disolusyon ng kasal at conjugal na ari-arian nina Pete at Lina. Samakatuwid, nang mabili ni Pete ang lote mula kay Alicia habang may bisa pa ang kanilang kasal, ipinapalagay na ang nasabing lote ay conjugal. At dahil conjugal, hindi ito maaaring ilipat ni Pete kay Espy nang walang pahintulot ni Lina.

Samantala, ipagpalagay man na hindi conjugal ang lote, ang pagbibili nito kay Espy mula kay Pete ay hindi sinasang-ayunan.

Ayon sa Article 1490 ng Civil Code, ipinagbabawal sa mga mag-asawa ang magbili ng ari-arian sa isa’t isa upang maiwasan ang di-wastong impluwensya sa pagitan nila at mapangalagaan na rin ang institusyon ng kasal.

Saklaw ng artikulong ito ang lalaki at babae na nagsasama nang hindi kasal tulad nina Pete at Espy. Kaya, ang pagbibili ng lote kay Espy ay walang bisa dahil ito ay labag sa pampublikong polisiya, moral, kaugalian at batas (Ching vs. Goyanko et.al. G.R. 165879, November 10, 2006)

Show comments