Maraming punongkahoy ang masisira dahil sa mga walang disiplinang kandidato. Ipapako sa katawan ng kahoy ang mga posters. Masusugatan ang mga kahoy at doon na magsisimula para ito masira. Hindi napapansin ang bagay na ito pero kung mag-oobserba lamang, maraming punongkahoy ang nasisira kapag nasugatan ang kanilang katawan dahil sa pako at iba pang mga matutulis na bagay.
Mawawalan ng saysay ang kampanya ng pamahalaan na makapagtanim nang maraming punongkahoy sa hinaharap. Mawawalan ng saysay ang sinasabing magiging luntian ang Pilipinas sa hinaharap. Sayang lamang ang ginagastos ng pamahalaan sa pagtatanim ng mga puno kung susugatan lamang ng mga walang pakialam at disiplinang kandidato.
Maging ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay nagbabala sa mga kandidato na huwag magpapaskel ng kani- lang campaign materials sa mga pampasaherong sasakyan. Sinabi ni LTFRB chairman Thompson Lantion na mahigpit na ipinagbabawal ang pagkakabit ng election materials sa pampasahe-rong jeepney, bus at taxi.
Mabuti pa at may lakas ng loob ang LTFRB na ipagbawal ang pagkakabit ng election materials kaysa ibang tanggapan na hinahayaang masugatan ang mga punongkahoy. Nasaan na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at hindi maipagbawal ang pagdidikit at pagkakabit ng election materials sa mga puno. Takot ba ang DENR sa mga kandidato at hindi maipagbawal ang pagkakabit o pagpapako sa mga puno? O dahil tatakbo rin si DENR Sec. Angelo Reyes kaya hindi makapagbigay ng order na i-save ang mga puno sa mga kandidatong walang disiplina.