Itong "separation of powers" kung tawagin ay mayroon namang kalakip na prinsipyong "check and balance" nang hindi masalaula ang kanya-kanyang teritoryo. Sa pagitan ng Pangulo at Kongreso, kung ang Malacañang ay may veto power sa mga batas, ang Kongreso namay may confirmation power sa mga appointment. Mahalaga ang confirmation power, sa pamamagitan ng Commission on Appointments (CA), dahil dito nakikilala ng bayan ang mga pinili ni GMA na Cabinet secretary, heneral at iba pang opisyal. Kapag aprubado ka ng CA, para na ring aprubado ka ng taumbayan.
Kapag hindi ka naman aprubado ng CA, para na ring hindi aprub sa iyo ang taumbayan. Para kang humawak ng halal na puwesto na hindi naman ikaw ang nanalo. Ano bale ang karapatan mong humawak ng kapangyarihan o gumawa ng desisyong makaaapekto sa buhay ko?
Isang tingin sa listahan ng mga kontrobersyal na hakbangin ng pamahalaan at makikita na pawang mga walang basbas ng bayan ang mga may pakulo nito. E.O. 464, Proclamation 1017, Calibrated Pre-emptive Response Policy, Transfer of Custody ni Smith pare-parehong pangalan: Raul Gonzales, Ronaldo Puno, Angelo Reyes. Ang tatagal nang nanunungkulan subalit hanggang ngayon ay wala pang basbas ng CA. Saang bahagi kaya ng mundo nakahanap ng lakas ng loob, tibay ng dibdib, lalim ng sikmura at kapal ng mukha ang mga ito upang magdidikta kay Juan de la Cruz nang ano ang bawal? Saan pa . . . eh, di sa Malacañang.