EDITORYAL – Kakaawang NAIA

MAIBIBILANG sa Guinness World of Book Records ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa pagsisiksikan ng mga pasaherong papaalis at papasok ng bansa. Dito lamang sa airport na ito inaabot ng isang oras o mahigit pa bago makalabas ang isang pasahero at makapiling ang mga naghihintay sa kanya. Masuwerte lamang ang mga maykaya o maiimpluwensiyang may escort na maaaring makapagmadali sa paglabas o maging sa pagpasok.

At kung si dating Senador Benigno Aquino Jr. (sa kanya kinuha ang pangalang NAIA) ay makikita ang nangyayari sa airport baka ikahiya niya kung bakit sa kanya pa ito ipinangalan. Paano’y nakahihiya naman talaga ang nangyayari sa NAIA sapagkat naaatrasado ang lipad ng mga eroplano dahil lamang sa hindi maayos na operasyon sa Immigration counters para sa mga papaalis na pasahero. Umuusok na ang bibig ng mga foreign airlines sapagkat naaatrasado ang kanilang pag-alis. Bukod sa mahabang pila, problema rin naman ang conveyor belt sa baggage area. Tatlong beses nasira ang conveyor belt. Isang oras naatrasado ang lipad ng Cathay Pacific dahil ang mga pasahero ng eroplano ay nakapila pa sa Immigration counter.

Pero mas may higit pang malaking istorya sa NAIA. Pang-Guinness din ang nangyari noong nakaraang Miyerkules kung saan ay hindi pinalapag ang Gulf Air na galing Bahrain sa NAIA. Ang dahilan, gagamitin ni President Arroyo ang runway dahil patungo siya sa Davao City para magninang sa kasal.

Hindi pinayagang makalapag ang Gulf Air kahit na sinabi na ng piloto nito at ng Gulf Air Security na kakaunti na ang gasoline nito. Ang Gulf Air ay ika-anim sa mga eroplanong lalapag sana sa NAIA. Ilang beses nagpaikut-ikot ang Gulf Air sa NAIA pero hindi pinayagang maka-landing. Walang nagawa ang piloto kundi i-divert ang eroplano sa Diosdado Macapagal Airport sa Clark Field.

Pang-Guinness nga marahil ito sapagkat pinigil bumaba ang eroplanong kakaunti na ang gasoline para magamit ng Presidente ang runway – kahit marami ang nanganib ang buhay.

Kakaawang NAIA!

Show comments