Na ang tanging layunin lamang ng umaawat ay mapagkasundo ang mga ito at kung ito ay makukuha naman sa maayos na pag-uusap nang sa gayon ay hindi na lumala pa ang gulo.
Ang mga taong involve sa kasong ito ay hindi naman iba sa isat isa. Katunayan nito sila ay magkapatid. Ganito ang istoryang inilahad sa aming tanggapan si Loreta Delampuri ng Pampanga.
Isa sa mga anak ni Loreta si Rodel. Na-involve ito sa ipinagbabawal na gamot kaya ito ay nakalulong. Sumama ito sa isang grupo na lingid sa kanyang kaalaman na bibili pala ang mga ito ng droga. Siya ang nautusang bumili ng shabu sa halagang P200. Samantala nakatimbre na pala ito sa mga pulis at dahil dito siya ay naaresto at nakulong.
Nagsilbing leksyon kay Rodel ang pagkakapiit nito sa kalungan. Umiwas na rin umano ito sa mga barkada. Isa sa iniwasan nito ay ang suspek sa pagkamatay ng kapatid niyang si Melchor, si SPO2 Manuel Canlas. Minabuti rin umano nitong magbagong buhay kaya naman nagtinda na lamang ito ng balot malapit sa kanilang bahay.
Ika-8 Setyembre 2005 bandang alas-8 ng gabi sa tapat ng bahay ng mga Delampuri isang pulis ang bumaba sa sasakyan, si SPO2 Canlas. Kinausap umano nito si Rodel at may ipinag-uutos.
"May ibinibigay si SPO2 Canlas kay Rodel pero ayaw naman tanggapin ng anak ko dahil ayaw na niyang balikan ang bagay na naging dahilan ng pagkakulong niya," pahayag ni Loreta.
Ayon pa kay Loreta, dating kasa-kasama ni SPO2 Canlas ang kanyang anak. Si Rodel umano ang inuutusan ng pulis na ito. Samantala galing sa isang inuman si SPO2 Canlas nang puntahan nito si Rodel. Pilit umanong ibinibigay kay Rodel ang shabu upang itoy ibenta. Subalit hindi nito gustong sundin ang pinag-uutos ng pulis dahilan upang magalit ito sa kanya.
Nagalit umano si SPO2 Canlas sa ginawang pagtanggi sa kanya ni Rodel kaya ang ginawa nito ay pinagsusuntok at sinakal ito. Pilit na pinoposasan si Rodel. Samantala tinawag naman ng isang nagngangalang Joey Castro na kasama ni Rodel sa pagtitinda ng balot si Loreta.
Tinawag nito si Loreta at sinabing binubugbog ni SPO2 Canlas ang kanyang anak. Nasaksihan nito kung paano binitbit at saktan ng pulis na ito ang kanyang anak. Nakuha pang tutukan ng baril si Loreta ng suspek nang tangkain nitong umawat.
Samantala pumasok naman ng bahay ang asawa ni Melchor, si Rachelle at ibinalita sa asawa nitong hinuhuli ng pulis si Rodel. Mabilis namang pinuntahan ni Melchor ang kapatid at nakita umano nitong tinutukan ito ng baril. Pinakiusapan nito na huwag saktan dahil sasama naman kanyang kapatid sa kanila.
Subalit imbes na makipag-usap ang suspek ay si Melchor naman ang binalingan nito sinabing Isa ka pa! pagkatapos ay itunutok ang baril sa biktima. Napayakap si Loreta sa anak nang makita nitong tinamaan si Melchor. Sabog ang utak ng biktima.
Wala ni isa mang tumulong sa pamilya Delampuri sa takot nito sa pulis dahil itinutok nito ang baril at nagbanta sa mga taong magtatangkang tumulong. Bago tuluyang lisanin ni SPO2 Canlas ang lugar umakyat ito sa bubungan ng bahay ng mga Delampuri at di-umanoy nagtanim ng ebidensiya laban kay Rodel.
Dinala sa ospital si Melchor subalit habang ginagamot ito ay binawian na rin ito ng buhay. Samantala isinakay naman si Rodel kasama ang nga barangay at dinala sa himpilan. Nagsampa na rin ng reklamo ang pamilya ng biktima laban kay SPO2 Manuel Canlas.
"Ininquest daw itong si SPO2 Canlas at nasampahan ng kasong homicide dahil sa pagkakabaril nito sa anak kong si Melchor habang ang anak ko namang si Rodel ay nakulong muli at sinasabing pusher daw ito. Nasa korte na ang kasong ito. Nagbagong-buhay na si Rodel at ayaw na nitong balikan ang makulong uli siya pero dahil sa pulis na ito na nilagyan lamang niya ng ebidensiya ang anak ko para mahuli pagkatapos siya rin ang dahilan ng pagkamatay ni Melchor," salaysay ni Loreta.
Nagpiyansa naman si SPO2 Canlas at pansamantala itong nakalaya. Naisampa na umano sa korte ang kaso subalit nagkaroon naman ng reinvestigation sa kasong pagpatay kay Melchor. Mariing itinanggi ng suspek ang akusasyon laban sa kanya. Sinabi nitong inagawan siya ng biktima kaya ipinagtanggol lamang nito ang kanyang sarili kaya nagawang barilin ang biktima.
Lumabas ang resolution at kasong Homicide ang isinampa laban sa suspek. Dahil sa salat sa kaalaman patungkol sa batas ang pamilya ng biktima hindi na nila nagawang mag-file ng petition for review ang mga ito. Ang tanging hangad na lamang nila ay maparusahan ang pulis na si SPO2 Canlas at maging mabilis ang pag-usad ng kaso upang pagbayaran nito ang krimeng kanyang ginawa.
Umaasa din ang mga ito na mapawalang-sala si Rodel sa kasong isinampa laban dito dahil ayon kay Loreta matagal nang tinalikuran ng kanyang anak ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot magmula ng ito ay makulong.
Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.