EDITORYAL - Lansagin ang private armed groups!

SABI ng mga psychic, magiging madugo raw ang 2007 elections. Marami raw mamamatay dahil sa paglalaban ng mga pulitiko. Ang darating na election daw sa May 14, 2007 ang pinaka-madugo. Dahil sakop daw ng Fire Pig ang panahon ng eleksiyon para raw bumubuga ng apoy ang bawat pulitiko sa pagnanais na manalo. Gagawin ang lahat kahit maraming mamatay.

Kahit na hindi hulaan ng mga psychic ang darating na election, nakikita naman na talagang magiging madugo ito. At kailan ba hindi naging madugo ang election sa Pilipinas? Noon pa man, marami nang nasayang na buhay dahil lamang sa election. Mamamayani ang baril at pera para masiguro ang pag-upo sa puwesto. Noong nakaraang Disyembre 16, 2006 ay binaril at napatay si Abra Rep. Luis Bersamin Jr. sa Mt. Carmel church sa Quezon City. Pulitika ang itinuturong dahilan ng pagpatay. Si Abra Gov. Vicente Valera ang itinuturong nagpapatay kay Bersamin na itinanggi naman ng governor. Hindi raw niya magagawa iyon sapagkat pinsan niya si Bersamin.

Madugo ang nalalapit na election. At inaasahang dudugo pa habang palapit nang palapit ang May 14. Isa sa maituturing na magpapadugo pa ay ang pagkakaroon ng private armies ng mga pulitiko. Tiyak na gagamitin ng mga pulitiko ang kanyang mga sandatahang tauhan para masiguro ang panalo sa kalabang pulitiko. At natural namang hindi magpapatalo ang kanyang kalaban na magtatayo rin ng sariling armed group para maprotektahan ang sarili.

Noong nakaraang taon, may 92 private armies sa buong bansa at 56 dito ay nasa Autonomous Region in Muslim Mindanao. Sabi ng Philippine National Police (PNP), 25 sa private armies ay kanila nang nabuwag. Sa mga regions, pinaka-marami ang private armies sa Cordillera Autonomous Region na may anim na grupo. Kabilang ang Abra sa CAR.

Tukoy na ng PNP ang private armies kaya madali nang buwagin ang mga ito. Ngayon pa lamang ay dapat nang lansagin ang mga armadong grupo para hindi na madagdagan ang mamamatay sa May 14 election.

Show comments