Sino ang higit na dakila: Si Rizal o Bonifacio?

Bonifacio Day natin ang November 30
At Rizal Day naman ang December 30;
Sila’y dalwang taong sa baya’y nagsilbi
Kaya kinilalang parehong bayani!

Bayani si Rizal sapagka’t ang diwa
Ay nailarawan sa kanyang pagkatha;
Mga pang-aapi ng mga Kastila
Buong tapang niyang nasabi sa bansa!

Nang ang baya’y lubhang sakal ng dayuhan
Itong Bonifacio ay naging matapang;
Kanyang itinaas ang tabak na tangan
Tinagpas ang leeg ng mga kalaban!

Dr. Jose Rizal nangibang bayan pa
Upang ipakita ang masamang gawa -—
Ng mga kaaway nitong ating bansa
At ang himagsika’y noon nagsimula!

Himagsikang iyon ay pinapag-apoy
Nitong Bonifacio’ng nagmistulang dragon;
Naging bukambibig saanman paroon
Kanyang kagitingang paglaya ang misyon!

Kaya nga si Rizal at si Bonifacio
Ay kapwa bayani at ating idolo
Naglaho man sila dito sa ‘ting mundo
Ang pamana nila’y tapang at talino!

Marunong si Rizal pagka’t ang panulat
Ay ating nabasa na nakagugulat;
Matapang si Andres sa hawak na tabak —
Pagka’t lider siyang sa baya’y nagmulat!

Mayro’ng mga taong gusto’y paghambingin
Kung sino’ng dakila’t higit na magiting?
Katanungang ito’y di dapat pansinin
Pagka’t ang dalawa ay kapwa magiting!

Ginamit ni Rizal -— diwang kayumanggi
At si Bonifacio —- dupil ang baluti
Sila ay bayaning bayani palagi
Sapagka’t simbolo at dangal ng lahi!

Show comments