Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa lahat!

SA kabila ng mga mabibigat na suliranin hinarap nating lahat, personal man o bilang isang bansa, sa taong 2006, nawa’y magsilbing hamon at inspirasyon ang mga ito upang lalo pa tayong magsikap.

Huwag nating hayaan na ang problema ang makapangibabaw sa ating buhay. Manapa, dapat natin silang tingnan bilang mga pagsubok na humahamon sa ating katatagan bilang tao at bilang mga Pilipino na umaasa at naniniwalang hindi pinababayaan ng ating Panginoong Diyos ang sinumang tumatawag sa Kanya at patuloy na dumadakila sa Kanya.

Kung ang Pasko ay simbolo ng pagsilang ng pag-asa at katuparan ng mga pangakong ibinigay ng Diyos sa sanlibutan, ang pagpapalit naman ng taon ay dapat nating tingnan na panibagong pagkakataon upang mabago ang mga bagay na hindi tama, maisakatuparan ang ating mga pangarap at isa pang pagkakataon na ibinigay sa atin ng Diyos upang lalo pa tayong mapalapit sa Kanya.

Kaya nga, sa kabila ng malawakang kahirapan at kaguluhan sa ilalim ng kasalukuyang gobyerno, harapin natin ang pagpasok ng 2007 na buo pa rin ang pag-asa at paniniwala na magbabago ang katatayuan sa buhay lalo pa nga sa hanay nang malawak na masang Pilipino.

Mula sa inyong lingkod at sa pangalan ni President Joseph Ejercito Estrada at ng aming buong pamilya, binabati ko kayo ng isang Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!

Show comments