Dahil walang ipinasang budget para sa 2007, otomatikong mananaig ang 2006 budget. At dahil reenacted na rin ang 2006 budget, kuwenta ang budget ng 2005 ang iiral sa darating na taon.
Ang masamang epekto nito ay hindi sa mga mambabatas. Kukubra pa rin ng P200 milyong pork barrel ang bawat senador at P70 milyon kada congressman. Ang masasaktan ay ang mahihirap. Kasi, ang gagastahin ng gobyerno para sa kanila ay ganun sa ginasta nung 2005.
Pangalawang magkasunod na taon nang hindi nagpasa ng budget. Ang epekto ay sa kabuhayan. Nung patapos na ang 2005 at iprinesenta ang 2006 budget, tinarget ng gobyerno na umunlad ang bansa nang 6.1%. Pero biglang hindi naipasa ang budget. Napilitang umulit ng gastos ang gobyerno, miski dumami ang tao. Ang naging pag-unlad, 5.6% lang tuloy. Lumala ang pagkagutom. Nagsimula ito sa 2.54 milyong pamilya nung Enero; tapos naging 2.86 milyon nung Abril, 2.92 milyon nung Hulyo, at 3.1 milyon nung Oktubre. Nalunasan sana ito kung napalaki ang ginugol ng gobyerno sa kanila.
Mas lalala ang kahirapan sa 2007. Sa panukalang 2007 budget P1.181 trilyon sana ang gagastusin ng gobyerno sa pasahod, maintenance, repair, at paggawa ng mga bagong kalsada, palengke, eskuwelahan at pasilidad. Pero mapipilitan itong gumasta ng P834.94 bilyon lang tulad nang 2005 o P350 bilyong kabawasan.
Ang kabawasang yan sana ang mapupunta sa mahihirap sa anyong gamot, edukasyon, patubig, pabahay, pakain, at trabaho. Abay napurnada pati ang pangakong dagdag-sahod sa 1.3 milyong kawani ng gobyerno.