Kamakalawa, sinalubong ni President Arroyo ang mga "bagong bayani" sa Ninoy Aquino International Airport. Nagkaroon ng mga pa-raffle kung saan, pumili ng mga bagong dating na OFWs at nanalo nang malalaking premyo. Hindi lamang ang mga dumarating na OFWs ang binigyan ng VIP treatment kundi pati na rin ang mga umaalis.
VIP treatment ang mga OFW na dapat lamang gawin ng gobyerno. Kung tutuusin kulang pa ang mga ginagawang pag-istima ng mga opisyal sa mga bagong bayani sapagkat sobra-sobra ang ibinibigay na tulong nila sa bansa. Noong 1996 na sinagasaan ng financial crisis ang Pilipinas, ang mga OFW ang nagsalba sa pamamagitan nang malaking dollar remittance. Nakabangon ang bansa dahil sa ayuda ng mga bagong bayani. Kung ang aasahan lamang ay ang kita ng bansa, wala itong magagawa. Kaya masakit mang aminin, walang kakayahan ang gobyerno na pasanin ang problemang pinansiyal at kailangan pa ang tulong ng OFWs.
Masakit namang malaman na may mga OFW na hindi lubusang nakatitikim ng tulong sa pamahalaan. Maraming OFW na nagkakaroon ng problema sa bansang pinagtatrabahuhan subalit hindi tinutulungan ng embahada ng Pilipinas. Masakit na mismong mga tauhan pa sa embahada ang nagpapahamak sa mga kababayan. Maraming Pinay maid ang nakararanas nang pagmamaltrato sa kanilang amo subalit walang makuhang tulong mula sa embassy.
May mga OFW na napaparusahan ng kamatayan na hindi nalalaman ng mga pinuno ng gobyerno. Malalaman na lamang kapag napugutan na o kayay binigti.
Huwag lang kung Pasko i-VIP ang mga OFW.