Noong August 27, 1997, natuklasan sa rekord ng cashier na ang halagang naipatupad ay hindi tugma sa rekord ng teller. Nawalan ang banko ng P150,000, ang halagang hiniling ng isa sa mga teller ng banko na si Marge. Ayon sa cashier ng banko na si Romy, naibigay niya ang halagang ito kay Ben upang ibigay nito kay Marge. Subalit itinanggi ito ng dalawa. Matapos ang imbestigasyon, napatunayan na ang requisition slip ng nawawalang P150,000 ay duplicate na kopya, may tatak na "posted" at walang pirma ng teller. Gayunpaman, kinilala ito ni Romy at inaming inilabas nga niya ang nawawalang halaga. Naibigay daw niya ang pera kay Ben dahil ang slip ay naglalaman ng inisyal nito kahit na hindi si Ben ang naglagay ng inisyal at walang indikasyon na ito ang pumirma.
Base sa natuklasan, tinanggal ng CBC si Ben sa serbisyo sa mga dahilang 1) matinding pagsuway sa mga tuntunin; 2) pandaraya; 3) pagnanakaw o tangkang pagnanakaw sa banko; 4) pagpalsipika ng rekord o dokumento at pakikialam sa mga kagamitan at pasilidad ng banko sa mithiing mandaya.Tama ba at legal ang pagdismis kay Ben?
MALI. Ang mga paratang kay Ben ay hindi sapat na napatunayan. Ang nakawan o tangkang pagnanakaw sa banko o palsipikasyon ng dokumento nito ay hindi naipakita ng naisagawang imbestigasyon. Mahina rin ang paratang ng pagsuway sa tuntunin ni Ben dahil ito ay munting bagay lamang taliwas sa hinihingi ng batas na seryoso o malalang pagsuway. Hindi rin napatotohanan ng banko kung bakit nawalan ito ng kumpiyansa at tiwala kay Ben.
Kahit na si Ben ang nakatalagang humawak at magbigay ng pera sa teller, ang desisyong magpatupad o maglabas ng nasabing halaga ay nakasalalay pa rin sa cash custodian na si Romy. Sa katunayan, ang nawawalang halaga ay ipinatupad labag sa pamamaraan ng banko. Ang banko na eksperto at bihasa sa operasyon nito ay hindi dapat isisi ang pagkawala ng pera sa empleyadong si Ben base lamang sa pagdududa. At dahil hindi ipinakita ng CBC ang makatarungang dahilan ng pagdismis kay Ben, naigawad ng korte ang pagbabalik kay Ben sa serbisyo pati na ang backwages nito (Ballao vs. Court of Appeals, et.al. G.R. 162342, October 11, 2006).