Pekeng bayani

PARANG pinalabas pa ng mga propagandista ng Malacañang na isang bayani si Mrs. Gloria Arroyo dahil siya raw ang nagpatigil ng con-ass. Sa totoo lang, hindi ba isa siya sa nagpanukala at nag-tulak ng con-ass? Bakit parang pinapalabas pa ng mga propagandistang ito na dapat pa tayong magpasalamat kay Mrs. Arroyo dahil kung hindi niya pinatigil ang con-ass ay natuloy sana ito?

Nakapagtataka rin kung bakit lumabas sa balita na parang inutusan daw ni Mrs. Arroyo ang mga kongresistang kakampi niya na itigil na diumano ang con-ass. Totoo nga kaya ang ulat na ito o hindi? Kung totoo kasi ang balitang ito, masasabi natin na namatay nga ang con-ass, namatay din naman ang independence ng Kongreso sa ilalim ng tinatawag na "separation of powers".

Kung totoong inuutusan lamang ni Mrs. Arroyo ang mga kakampi niyang kongresista, hindi ba’t lalabas na binababoy niya ang kasalukuyang konstitusyon natin? Kung wala siyang pag-galang sa konstitusyon, bakit niya minumungkahing palitan ito? Hindi ba’t parang sayang lang ang bagong konstitusyon na ito kung bababuyin din naman ulit nila?

Ito naman si Speaker Jose De Venecia, ano naman ang pumasok sa isipan niya at parang ibinulgar pa niya ang plano ng Malakanyang tungkol sa Cha-cha? Ang sabi ni Manong Joe, si Mrs. Arroyo na mismo ang nagsabi na ipinatigil lamang ang con-ass dahil ayaw ito ng mga tao, ngunit itutuloy din daw nila ang Cha-cha dahil ang con-ass lang naman daw ang ayaw ng tao. Ganoon nga ba talaga?

Nakalimutan na yata ni Joe na ang Korte Suprema na mismo ang ayaw sa Cha-cha, kaya nga napilitan sila na mag-imbento ng con-ass. Ano nga ba ang nangyari? Nalito ba si Joe sa passing, o sadya niyang nililito tayo? Sa totoo din lang, maraming tao ang gusto sa Cha-cha, ngunit ayaw nila sa madaliang style ni Joe at ng kanyang mga kasamahan. Sapat na ba kaya na nag-sori na sila?           
* * *
Makinig sa "USAPANG OFW" sa DZRH tuwing Linggo 10 to 11 a.m. Mag-e-mail sa royseneres@yahoo.com, text 09187903513, dumalaw sa www.royseneres.com, tumawag sa 5267522 at 5267515.

Show comments