EDITORYAL - Laruang walang ‘toxic’ ang piliin

PUMUNTA kayo sa Divisoria, Carriedo, Baclaran o di-kaya’y sa toys section ng mga malls, makikita ang napakaraming laruan na pinagkakagu-luhan ng mga bata. Habang papalapit ang Pasko parami pa nang parami ang mga laruang nakalatag sa bangketa. At ang mga magulang para mabigyan ng kasiyahan ang mga anak, ay bibilhin ang lahat nang laruan na ituro ng anak – lalo ang mga nakaaangat sa buhay.

Pero alam n’yo bang may mga laruan ngayon na nagtataglay ng kemikal o toxic? Kapag nalunok ng bata ang laruang may halong kemikal o toxic ay baka maging dahilan ng kamatayan. Baka sa halip na mabigyan ng kasiyahan dahil sa ibiniling laruan ay lungkot lamang ang mamamayani. Kaya ang payo ng isang environmental group, dapat na maging maingat sa pagpili ng laruan ang mga magulang at baka may toxic ang kanilang mapili ay magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga anak.

Ayon kay Ecowaste Coalition coordinator Rei Panaligan, ang mga laruan ay may phthalates, isang toxic chemicals na ginagamit para mapalambot ang polyvinyl chloride (PVC) plastic. Payo ni Panaligan sa mga toy dealers at toy makers, mga laruang walang halong kemikal ang kanilang gawin.

Maraming bansa na ang nagbawal ng phthalates. Noong nakaraang taon, ibinawal na ito sa European countries. Madali kasing malunok ng bata ang mga laruang may phthalates o ang mga laruang gawa sa PVC. Ang phthalates din ay pinaghihinalaang dahilan ng cancer, kidney damage at nakasisira sa hormonal ang reproductive development. Ayon pa sa Ecowaste Coalition, ang mga laruang may markang "3" na nasa loob ng recycling symbol ay gawa sa PVC plastic.

Dapat na maging maingat sa pagpili ng mga laruan. Bagamat hindi naman lahat ng mga laruang plastic ay may halong kemikal na maaaring magdulot ng kamatayan, nararapat na inspeksiyuning mabuti at baka ang mapili ay delikado sa kalusugan.

Nararapat na ang gobyerno ang manguna sa pagbibigay ng babala sa taumbayan at sila ang unang kumilos para maimbestigahan kung ang mga ibinebentang laruan sa mga pamilihan ay may kahalong kemikal na magiging banta sa buhay ng mga bata. Hindi dapat ipagwalambahala ang ganitong balita. Ang Department of Trade and Industry ang nararapat manguna sa pagsisiyasat sa mga laruang magdudulot ng panganib.

Show comments