Kaso ng isang DH sa Hong Kong

NATANGGAP si Lucy bilang domestic helper sa Hong Kong ng Proxy Maid Services Center ( PROXY), isang kompanya na base sa Hong Kong, sa pamamagitan ng AIMS isang local recruitment agency sa Pilipinas. Ang suweldo niya ay HK$3,670 kada buwan.Nagbayad si Lucy ng P18,000 bilang placement fee. Ang lahat ay inaprubahan ng POEA.

Ang magiging amo ni Lucy ay si Mr. See. Subalit bago pa man makaalis si Lucy papuntang Hong Kong kinansela ni Mr. See ang kontrata. Gayunman, sa payo na rin ng AIMS at sa garantiyang mabibigyan si Lucy ng trabaho, tumuloy si Lucy sa Hong Kong. Pagdating ni Lucy sa opisina ng PROXY sa Hong Kong, sinundo siya ni Mrs. Tan, ang bago niyang amo. Subalit makalipas ang isang buwan, dinismis ni Mrs. Tan si Lucy dahil sa mahirap na komunikasyon.

Dahil sa nangyari, nag-aplay si Lucy para sa bagong amo sa Hong Kong Immigration Department. Nabigyan si Lucy ng bagong amo subalit umatras ito. Binigyan si Lucy ng huling pagkakataong manatili sa Hong Kong nang muli siyang mag-aplay. Sinuwerte si Lucy dahil kinuha siya ni Donna subalit sa walang kadahilanan, dinismis din siya nito makalipas ang isang buwan. Wala ring naibigay na paliwanag ang PROXY sa kanya. Kinabukasan, pumayag si Lucy na subukan ang tatlong araw na paninilbihan kay Ms. Lee. Ngunit bago pa man nakapirma si Lucy ng kontrata niya kay Ms. Lee, tinanggihan ng gobyerno ng HK ang kanyang ikatlong kahilingan na magpalit ng amo at inutusang mag-aplay sa Pilipinas. Napilitan si Lucy na umuwi ng Pilipinas upang iaplay ang bago niyang amo at upang makabalik ng Hong Kong at makapagsimula na kay Ms. Lee. Sa kabila ng lahat ay inabisuhan siya ng AIMS na si Ms. Lee ay hindi na interesado sa kanya. Nang itanggi ng AIMS ang pagbabalik ng placement fee kay Lucy, naghain si Lucy ng reklamo laban sa AIMS ng illegal dismissal, non-payment of salaries, return of placement fee, moral and exemplary damages at attorney’s fees. Ayon sa AIMS, hindi ilegal ang pagdismis kay Lucy. Iginiit din nito na naipatupad ang kontrata ni Lucy kay Mr. See at hindi nakansela at sa halip ay si Lucy ang nagbitiw sa tungkulin makalipas ang limang araw. Wala rin daw silang pananagutan sa mga sumunod pang amo na ibinigay ng PROXY kay Lucy dahil wala silang kaugnayan dito. Tama ba ang PROXY?

MALI.
Kung nagbitiw man si Lucy sa kanyang tungkulin kay Mr. See, hindi nangangahulugang nagtapos din ang pananagutan ng AIMS. Sa katunayan, aprubado ng POEA ang dalawang taong kontrata ni Lucy at kinilala nito na ang PROXY ang pangunahing amo ni Lucy. At dahil ang AIMS ang lokal na ahensya na kumuha kay Lucy, ito ay may solidaryong obligasyon sa PROXY. Ang hindi paghingi ng PROXY ng panibagong placement fee mula sa AIMS nang ilang beses magpalit si Lucy ng amo ay nangangahulugang naaayon pa rin at may bisa ang orihinal na kontrata na isinagawa ng AIMS at hindi na nangangailangan ng bagong kasunduan sa HK. Ang interpretasyong ito ay batay sa polisiya papaboran ng batas ng paggawa ang mga manggagawa kung sakaling may alinlangan sa pagbibigay kahulugan sa kontrata ng mga ito.

Kaya, ibinalik kay Lucy ang placement fee at interes na 12% kada taon, ang suweldo na dapat na natanggap niya sa hindi natapos na kontrata o katumbas ng tatlong buwan kada taon, alin man ang mas mababa. Binayaran din ng AIMS si Lucy ng HK$11,010 plus P18,000 placement fee. Gayunpaman, hindi naigawad ang moral at exemplary damages kay Lucy dahil hindi napatunayang ang pagdismis kay Lucy ay may kalakip na pang-aapi, pagmamalupit o ito ay naging taliwas sa magandang kaugalian, polisiya o kaya naman ay nagdulot ito sa kanya ng kahihiyan o labis na pag-iisip (Asian International Manpower Services, Inc. vs. Court of Appeals and Lacerna, G.R. 169652, October 9, 2006).

Show comments