Pinangako ng mga pabrika na sapat ang ipo-produce nilang mga naturang sangkap. Pero ayon kay Steven Cua, presidente ng samahan ng supermarkets at grocery stores, maaring mag-shortage pa rin. Natural lang kasi sa manufacturers na maglagak ng produkto sa pinaka-malaking supermarket sa isang pook, at aasang doon kukuha ang sari-sari stores. Pero atubili naman ang supermarkets na tumanggap ng sobrang daming pro- dukto, dahil baka hindi naman maibenta lahat sa Kapaskuhan, kaya magkakaroon ng malaking imbentaryo sa Enero at ookupa pa ng espasyo sa bodega. At kung minsan naman, dagdag ni Cua, hindi rin mabilis mag-replenish ng stocks ang maliliit na tindahan.
Panawagan tuloy ni Cua, huwag sana puro spaghetti, fruit salad at hamon ang ihanda. Maging malikhain daw sana sa pag-isip ng kapalit. Sa gayon, hindi mauubusan ng ingredients, hindi mabibitin sa handa.
Sa halip na spaghetti noodles, payo ni Cua, elbow macaroni na lang ang bilhin. Malaking tipid: may noodles na, may macaroni salad pa. O kaya, pancit canton noodles. Imbis na fruit salad, fresh fruits daw ang ihanda, o kaya minatamis na saging na saba; e di naiba nga naman. Imbis na hamon, puwede namang ibang klaseng karneng baka, baboy o manok ang ihanda.