^

PSN Opinyon

Karakter ng biktima, walang kaugnayan sa rape

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison -
SI Daisy, 14, ay kilala bilang party girl. Subalit pinapayagan lamang siyang dumalo ng inang si Sally kapag may makakasama sa party. Minsan, ipinagpaalam ni Minda si Daisy kay Sally para makadalo sa birthday party ng pamangking si James. Pumayag si Sally dahil makakasama naman ng kanyang anak si Minda, asa-wang si Badong, anak na si Jeff at mga kaibigang sina Lyn at Gina.

Gabi na nang makarating sa party ang grupo ni Daisy. Dumalo rin ang mga kaibigan ni James na sina Willy at mag-asawang Ricky at Nina. Madaling-araw na nang matapos ang party. At dahil lasing, napilitan si Daisy at mga kasamahan na doon na lamang matulog sa bahay ni James. Sa sofa natulog si Daisy samantalang sina James, Willy at Ricky ay sa banig sa ibaba ng sofa. Ang sitwasyong ito ang nagdulot ng pagsasampa ni Daisy ng panggagahasa at gawaing malalaswa laban kina Willy, James at Ricky. Si Nina ay kasama sa panggagahasa.

Sa paglilitis ng kaso, sinabi ni Daisy na bandang alas dos ng madaling araw nang bigla siyang hinila ni Willy sa sahig. Hinubaran daw siya at ginahasa. Hindi raw siya nakasigaw dahil tinakpan ni Willy ang kanyang bibig samantalang hinawakan naman nina James at Ricky ang kanyang mga paa at kamay habang gumagawa ang mga ito ng malalaswang bagay sa kanya. Pinilit daw ni Daisy na gisingin sina Lyn at Jeff subalit hindi nagising at tanging si Nina, asawa ni Ricky, lamang ang nagising. Itinapat daw nito ang flashlight sa kanya pero hindi siya tinulungan nito. Dagdag pa ni Daisy, nakatakbo pa siya sa CR nang makawala siya mula kay Willy subalit nasundan siya nito at muling ginahasa habang nakatutok ang patalim.

Nailarawan ng hukuman ang testimonya ni Daisy na direkta at prangka kaya si Willy ay nahatulan ng rape samantalang sina Ricky at James ng acts of lasciviousness. Si Nina ay napawalang-sala. Tanging si Willy ang umapela ng desisyon kung saan itinanggi niya ang panggagahasa. Imbento lamang umano ito ni Daisy. Binanggit din ni Willy ang naging testimonya ni Nina na si Daisy ang lumandi sa kanya at nagpakita ng malisya, kahit na sa kanilang presensiya. Iginiit din ni Willy na hindi siya maaaring mahatulan ng rape beyond reasonable doubt batay lamang sa testimonya ni Daisy na maituturing na babaing pakawala. Tama si Willy?

MALI.
Ang pagtingin kay Daisy bilang isang pakawala at may mababang pagkatao ay hindi mangangahulugang hindi na dapat paniwalaan pa ito at ikaila ang panggagahasa rito. Sa katunayan, hindi isinasaalang-alang ang moral na karakter ng biktima sa paglilitis ng kasong rape. Kahit na ang isang puta ay maaaring maging biktima ng rape kapag tumanggi ito sa malalaswang gawain ng isang lalaki sa kanya.

Sa pagbibigay ng hatol base sa proof beyond reasonable doubt, hindi kinakailangan ang lubos na katiyakan kundi moral na katiyakan lamang o ebidensyang makakakumbinse ng isang makatwirang pag-iisip. Sa kasong ito, sapat na napatunayan ng prosecution na nanggahasa si Willy laban sa kalooban at kagustuhan ni Daisy (People vs. Suarez, G.R. 153573-76, April 15, 2005, 456 SCRA 333).

BADONG

DAISY

JAMES

MINDA

NINA

RICKY

SI NINA

SIYA

WILLY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with