Maraming namatay at karamihan sa mga ito ay hindi pa natatagpuan nang matabunan ng may 30 talampakang buhangin at mga bato na singlaki ng bahay. Nanggaling iyon sa Mayon Volcano
Nabura sa mapa ang ilang barangay na nasa paanan ng Mayon halos lahat ng mga alagang hayop ay naanod at ang mga pananim ay nasira. Maraming natabunan ng bato kung kaya nagmistulang disyerto ang lugar. Na- lusaw ang lahat ng pangarap ng mga taga-roon.
Ngunit sa kabila ng sinapit sa lupit ng kalikasan, ang mga mamamayan ay sama-sama pa rin sa panalangin na sanay muli silang makaahon.
Dinadalangin din nila na sanay magkaisa na ang mga nag-aaway na pulitiko para ang mga itoy magkatulungan na mabigyan sila ng tulong sa pamamagitan ng pagkain, gamot at hanapbuhay.
Nananawagan din sila sa mga pribadong kompanya na pagkalooban din sana sila ng mga tulong sa pamamagitan ng hanapbuhay ng sa gayon ay hindi sila umasa sa mga bigay-bigay na tulong. "Wala na po kaming matataniman ng palay at mga puno dahil halos lahat ay nata-bunan na ng buhangin at bato," ayon sa aking nakausap.
Agad na ipinag-utos ng aming bossing na si Miguel G. Belmonte sa mga miyembro ng Damayan Foundation ng Star group of Publication na magsagawa ng relief operation sa naturang lalawigan.
Sa pamamagitan ng pag-aambagan ng The Philippine STAR, Pilipino Star NGAYON, PM Pang Masa at Pilipino Printing ay nakalikom ito ng may kabuuang 1,100 balot-balot na relief goods (bigas, grocery items, kumot/banig at mga gamot) at tumitimbang ng humigit kumulang sa limang tonelada.
Mapalad na naman ako na mapabilang sa pagbibigay ng relief goods sa naturang lalawigan at aking nasaksihan ang paghihirap ng mga mamamayan sa Albay at Camarines Sur.
Hindi naging madali sa amin ang pamamahagi ng mga relief goods noong Sabado dahil ng mga araw na iyon ay masungit ang panahon sanhi ng bagyong "Senyang". Halos lahat kami ay nabasa sa malakas na ulan. Ngunit labis naman ang aming kasiyahan sa pagbibigay ng kunting tulong dahil na rin sa taus-pusong pasasalamat sa amin at sa aming kompanya.
Una naming nabigyan ay ang Barangay Balinad sa Polangui na may kabuuang 100 pamilya, Sumunod ang Barangay Ilawod sa Guinobatan na may 100 pamilya.
Umabot na lamang sa 330 pamilya ang aming na- bigyan sa Barangay Maipon at San Rafael dahil kara- mihan sa mga residente rito ay nasa evacuation center na at ang ilan naman ay namatay at di pa nakikita ang ilan.
Para sa kaalaman nyo mga suki, ang Barangay Maipon ang itinuturing na pinaka-maunlad na barangay sa buong Guinobatan dahil karamihan sa mga residente rito ay pawang mga overseas Filipino workers (OFWs) o dili kayay mga seaman kung kaya pawang malalaking bahay ang nakatirik sa naturang lugar.
Subalit ang lahat ng iyon ay naglaho at ang inyong tanging makikita ay ang mga malalaking bato at buhangin. Sadyang nakakabaligtad ng sikmura kung kayoy mapagawi roon dahil sa masangsang na ang amoy dala marahil ng pagkalibing ng mga taot hayop sa naturang lugar.
Sa Barangay Libod ng Camalig ay namudmod din ng 85 relief goods sa mga pamilyang naanod ang mga kabahayan at pansamatalang nakikisilong sa isang paaralan. May 50 pamilya naman ang nabigyan sa Barangay Bitano sa Legazpi City.
Sa Tabaco, nagawi kami sa Barangay San An- tonio, Purok-1 na kung saan ay may humigit kumulang sa 100 pamilya ang pansamantalang naninirahan matapos salantain ng bagyong Melinyo. Di pa man nakakaahon ay muli na naman sila sinalanta ng bagyong "Reming" at dahil sa malayo sila sa mga relief center ay hindi sila nakakakuha ng tulong at kung mayroon man itoy kakapirangot na lamang.
Daan-daang ding pamilya pa ang mapalad na naabutan ng mga relief goods ng Damayan Volunteers sa kahabaan ng National Highway mula Ligao hang- gang Tabaco. At ang Barangay Binanuanan sa Pili, Camarines Sur ang nabigyan ng may 50 relief goods.
Nananawagan ako sa inyo mga suki na sanay pagkalooban natin sila ng tulong sa abot ng inyong makakaya. Maaari ninyong ibigay ang inyong tulong sa Damayan Foundation, Star Group of Publication R. Oca St., Port Area, Manila o dili kayay sa lahat ng branches ng Metro Bank account no. 151-3-04161622-9