Ang artikulong mababasa ngayon ay tungkol sa isang taong itinuring na best friend pero sa bandang huli ay magdudulot ito ng kapahamakan.
Nagsadya sa aming tanggapan Lynnlee Barandino ng University Ave., Potrero, Malabon upang humingi ng tulong na madakip ang isa pa sa mga suspek sa pagkakapaslang sa kanyang kapatid na si Armando Barandino.
Palakaibigan si Armando kaya naman marami itong mga kaibigan ayon sa kanyang kapatid na si Lynnlee. Isa sa pinakamatalik niyang kaibigan ay si Richard Garcia.
Subalit nagkaroon ng lamat ang pagkakaibigan ng dalawa. Dating niligawan ni Richard ang napangasawa ni Armando, si Roda. Magmula noon ay sumama na ang loob ni Richard kay Armando subalit hindi naman inisip ng huli na yun na ang simula ng galit ng una sa kanya.
Kilalang mayabang si Richard sa kanilang lugar kaya madalas ay nasasangkot ito sa gulo. Minsang nakipag-inuman ito sa pinsan ni Armando, si Dante Calixtro. Sa kalagitnaan ng pagtatalo ng dalawa ay nasaksak ni Richard si Armando.
"Madalas kainuman ng kapatid ko si Richard. Dahil matalik silang magkaibigan ay hindi naman naisip nito na gagantihan siya ng suspek dahil sa ginawang pananaksak ng pinsan ko sa kanya pero dahil sa sobrang pakikisama ng kapatid ko habang nag-iinuman sila ay sinaksak siya ni Richard," salaysay ni Lynnlee.
Sa kabutihang-palad ay ligtas naman si Armando matapos itong saksakin ni Richard. Hindi naman nagsampa ng kaso ang pamilya ni Armando laban kay Richard dahil naisip nilang baka parehas na lasing ang mga ito kaya nauwi sa pananaksak.
Hindi naman nagbago ang pakitungo ng biktima sa suspek. Sa kabila ng ginawang pananaksak ng suspek ay hindi naman nagtanim ng galit o nagplano ang biktima na gumanti laban dito. Patuloy pa rin sa pakikipagkaibigan si Armando kay Richard hanggang sa maulit na naman ang pananaksak ng suspek sa biktima.
Sa pagkakataong ito, nagsampa na ng kasong attempted homicide ang biktima laban sa suspek. Pinutol na rin ni Armando ang pakikipagkaibigan sa suspek.
Ika-24 ng Oktubre 2004 bandang alas-11:45 ng gabi sa Potrero, Malabon nakipag-inuman noon ang biktima. Ang hindi alam ni Armando ay nakaabang na pala noon sa kanya si Richard kasama pa nito ang kapatid na si Danilo Garcia.
Kasama noon ni Armando ang isang nagngangalang Cardito Reario. Nakita nito na hawak-hawak ni Danilo ang biktimang si Armando habang si Richard naman ay bumunot ng patalim at sinaksak ito. Matapos ang krimeng ginawa ay mabilis namang tumakas sa pinangyarihan ang dalawang suspek.
Bagamat duguan ang biktima ay sinikap pa rin nitong makauwi sa kanilang bahay at doon ay nasabi niya sa kanyang kapatid na si Lynnlee na ang magkapatid na Richard at Danilo ang may kagagawan ng pananaksak sa kanya.
Sinabi rin nito na inabangan siya ng mga suspek at pagkatapos ay pinagtulungang saksakin. Agad namang dinala sa ospital ang biktima subalit pagdating doon ay binawian na rin ito ng buhay.
Nagsampa ng kasong Murder ang pamilya ng biktima laban sa magkapatid na Richard at Danilo. Pinadalhan ito ng subpoena subalit hindi naman ito dumalo ng preliminary investigation sa piskalya.
Lumabas ang resolution at pumabor naman ito sa biktima. Nag-issue ng warrant of arrest ang korte laban sa magkapatid. Isang taon ang lumipas matapos ang insidente, nahuli ang suspek na si Danilo subalit hanggang ngayon ay malaya pa rin si Richard.
Hangad ng pamilya ni Armando na mabigyan ng hustisya ang nangyari rito. Umaasa silang mahuhuli rin si Richard upang pagbayaran nito ang krimeng kanyang ginawa.
Para sa anumang impormasyon na makapagbibigay-alam sa kinaroroonan ng suspek na si Richard Garcia maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari rin kayong mag-text sa 0921-3263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig.